Lalaking nagturok ng petroleum jelly sa ari, pinaoperahan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Napaoperahan na ng GMA Kapuso Foundation ang isang lalaking naimpeksiyon ang ari matapos magturok ng petroleum jelly dito.

Lalaking nagturok ng petroleum jelly sa ari, pinaoperahan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH

Noong nakaraang Pebrero, lumapit sa GMA Kapuso Foundation ang isang lalaki na itatago natin sa pangalang Dante matapos magkaroon ng impeksiyon sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Noong 2007, nagpaturok ng petroleum jelly sa kaniyang ari para madagdagan ang kaniyang confidence at lumaki ang kaniyang pagkalalaki.

Naging maayos ang naging resulta nito noong una at nakabalik din sa pagtatrabaho si Dante.

Pero noong 2021, naimpeksiyon ang kaniyang ari.

"Mahapdi saka kumikirot. Nagkasugat sugat pa noon," bahagi niya tungkol sa kaniyang kondisyon.

Lumapit siya sa GMA Kapuso Foundation noong Pebrero at agad siyang ipinasuri nito sa plastic surgeon na si Dr. Hector Santos.

Sa tulong ng mga doktor sa East Avenue Medical Center, matagumpay na naoperahan si Dante.

"Ang ginawa natin doon sa ating pasyente is a excision of granuloma. Iningatan natin na mapanatili natin 'yung pinaka skin. Sa ngayon, naka more than two weeks na siya, he could actaully go back to light activity," paliwanag ni Dr. Santos.

May paalala din siya sa mga tila do-it-yourself na personal enhancement procedures.

"Hindi nararapat na iturok ang mga bagay na hindi dapat iturok sa katawan. Petroleum jelly, hindi po 'yun talaga itinuturok. Lalo pong maraming masama na mangyayari sa inyong katawan," diin ni Dr. Santos.

Ayon naman kay Dante, malaki na rin ang pinagbago ng kaniyang pakiramdam. Masigla na siya at maayos nang nakakakilos.

"Nakaka-ihi na po nang maayos, nakakatulog nang maayos. Nagpapasalamat ako sa GMA Kapuso Foundation na ako ay natulungan. Natanggal ang aking nararamdaman," lahad niya.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa nina Dr. Hector Santos, East Avenue Medical Center, at Philippine Red Cross.

Sa mga nais magbigay ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.