January 20 2024
Limang taon na nakakulong sa isang kuwarto sa kanilang tahanan ang 29 taong gulang na si Jun, hindi niya tunay na pangalan.
Napansin kasi ng mga magulang niya na madalas siyang wala sa sarili at nagsasalita nang mag-isa.
Ipinasuri nila si Jun noong 2014 at na-diagnose na mayroon itong paranoid schizophrenia.
"Nagwawala siya talaga, hindi makatulog, nagdadabog," paggunita ng ina ni Jun.
Minsan na rin daw itong nanakit at lumayas kaya masakit man sa loob ng kanyang ama, ikunilong niya si Jun noong 2018.
"Tinatali ko diyan sa may rehas. Ako na ang nagpapaligo sa kanya. Doon na mismo," lahad niya.
May nagmabuting loob at idinulog sa GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ni Jun.
Agad siyang ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation sa isang psychiatrist sa Baguio General Hospital and Medical Center.
"Itong sakit sa pag-iisip na 'yung may sakit nito hindi nila nasasabi kung ano ang realidad. Unang una, namamana 'yan. Second, mayroon tayong sinasabi na imbalance sa mga kemikal natin sa utak--tumataas siya kaya nagkakaroon 'yung mga hallucinations. And then huli, mga life experiences na hindi na-overcome," paliwanag ni Dr. Stephanie Ayungco, medical officer 3, sa Department of Psychology sa Baguio General Hospital and Medical Center.
"Itong sakit na ito, wala talaga siyang treatment. Mayroon lang siyang gamot para mabawasan 'yung mga sintomas niya pero kailangan maintenance talaga," dagdag pa ni Dr. Ayungco.
Para ma-monitor ang kalagayan ni Jun at mabigyan siya ng tamang gamutan, naka-admit na siya ngayon sa isang ospital.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Bureau of Fire Protection sa La Trinidad, Benguet.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash. Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus