January 20 2024
May dalawang uri ng lye water na karaniwang ginagamit. Ang una ay para sa mga industrial cleaners tulad ng sabon, habang ang pangalawa naman ay ang food grade lye water na ginagamit sa mga kakanin para lumagkit.
May tamang dami rin ng food grade lye water ang puwedeng kainin dahil posible itong makasama sa kalusugan.
"Usually, ang pangluto na available sa market is 25% concentrated, pero paunti-unti pa rin itong hinahalo sa nilulutong pagkain," paliwanag ni Dr. Mario Euric Alerta, surgeon sa Sorsogon Provincial Hospital.
Ang estudyanteng si Jenny mula sa Sorsogon, aksidenteng nakainom ng food grade lye nang kumuha ng tubig sa kanilang refrigerator noong 2019.
"'Yung tita niya, nagawa siya ng kutsinta. Nilagay niya 'yung lye water sa bottle tapos 'yun pala 'yung nainom niya. Nasunog nga 'yung esophagus niya," lahad ni Ana Marie Furton, nanay ni Jenny.
"Itong 25% concentrated, kung ito ay iinumin din, ito'y magkakaroon ng irritation sa inyong lalamunan, pamamaga, at pagkasugat-sugat," bahagi ni Dr. Alerta.
Nakaligtas naman si Jenny sa aksidenteng ito pero kinailangan niyang lagyan ng gastronomy tube para makakain. Sa loob ng apat na taon, gatas na may am or sabaw ng sinaing na kanin ang kinakain niya.
"Malungkot kasi 'yung mga kaklase ko, nakikita ko silang kumakain tapos ako wala," pahayag ni Jenny.
Hindi kaya ng pasilidad ng ospital sa Sorsogon ang kaso ni Jenny kaya inilapit ni Dr. Mario Euric Alerta, surgeon sa Sorsogon Provincial Hospital ang kundisyon ng bata sa GMA Kapuso Foundation.
"This is a major operation. Maraming babantayan doon sa bata during the operation and post-operatively. Ang operation is to cut the esophagus and the pull the stomach up para madugtong uli 'yung esophagus to the intestine," paliwanag ni Dr. Alerta sa operasyong kailangan ni Jenny.
"Sana matulungan po kami sa pagagamot ng anak ko po kasi gustong gusto na niyang makakain," panawagan naman ni Ana Marie.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Mario Euric Alerta.
Sa mga nais magbigay ng tulong kay Jenny at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash. Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus