GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang barker na may cerebral palsy | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang isang jeepney barker na may cerebral palsy.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang barker na may cerebral palsy

By MARAH RUIZ

Limang taong nang barker ng jeepney si Jan-jan sa Sikatuna Village sa Quezon City.

Ayon sa kanya, kumikita siya dito ng P300 kada araw.

Hirap gumalaw at magsalita si Jan-jan dahil sa kundisyong cerebral palsy.

Gayunpaman, patuloy siya sa pagtatrabaho dahil nais niyang bumili ng laptop para sa kapatid niyang nag-aaral. Gusto rin niyang kumita para pandagdag sa pambili ng bigas ng kanyang pamilya.

Kusang nagtrabaho si Jan-jan kahit hindi naman kailangan. May trabaho naman kasi sa isang sari-sari store.

Mahilig ding tumulong sa gawaing-bahay si Jan-jan sa kabila ng kanyang kundisyon.

"Nagpupursigi siya para makaipon lang ng pera para sa mga kapatid niya. Proud na proud akong marunong siya, kahit ganyan siya," pahayag ni Flordeliza Galao, nanay ni Jan-jan.

Para masiguro na maayos ang kalusugan ni Jan-jan, ipinasuri siya ng GMA Kapuso Foundation.

Sumailalim siya sa physical exam, blood test, urinalysis, ECG at Xray.

"'Yung mga taong may ganitong kundisyon, prone sila sa mga infection kasi iba 'yung structure ng heart nila, ng lungs nila," paliwanag ni Dr. Rainier Nery Mozo, internal medicine specialist at medical director ng Clearbridge Medical Philippines.

"Sa kanya ay special condition. Siyempre, at the end of the day, gusto natin masaya sila, nagagwa nila 'yung gusto nila, but of course, babantayan natin sila, ipapa-check up nang regular," dagdag niya.

 

 

 

 

 

 

Naghandog rin ang GMA Kapuso Foundation ng groceries para kay Jan-jan at kanyang pamilya.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Rainier Nery Mozo at Clearbridge Medical Philippines.

Sa mga nais magbigay ng tulong kay Jan-jan at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.