Batang may kamay at braso sa likuran, humihingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang bata na may kamay at braso sa kanyang likuran.

Batang may kamay at braso sa likuran, humihingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Mahilig sa pagguhit si Mika, isang batang masiyahin at puno ng pag-asa.

Hindi agad alintana ang kanyang kakaibang kundisyon kung saan may tumubong isa pang braso at kamay sa kanyang likod.

"Bago po ako manganak, eight months, nagpa-ultrasound po ulit ako. Wala pong nakita. Pagkalabas niya, tatlo na po 'yung kamay niya," paggunita ni Mercy Corpin, nanay ni Mika.

 

 

"Mayroon po siyang kili-kili. Mayroon din pong parang kuntil sa likod," paglalarawan ni Mercy sa kundisyon ng anak.

Sumasabay din sa paglaki ni Mika ang braso sa kanyang likod. Humahaba pa ang kuko nito sa kamay.

"'Pag ginugupitan ko po siya, nakadapa po siya sa akin. Hindi ko po siya puwedeng masugatan kasi sabi po samin ng doktor, mabilis maimpeksiyon. Konting angat lang po. 'Pag inangat po ng mataas, nasasaktan po siya," paliwanag ni Mercy.

Inilapit ng pediatric surgeon na si Dr. Beda Espineda sa GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ni Mika. Isa si Dr. Espineda sa partner doctors ng GMA Kapuso Foundation at chairman din ng World Surgical Foundation Philippines.

"Ang problema niya ay parasitic twin. Wala namang buhay 'yun, kundi lang may isang parte na dumikit. Pero hindi naman naapektuhan po 'yung spinal cord. 'Pag pareho pa rin, baka kayang i-separate or tanggalin po namin 'yun," lahad ni Dr. Espineda.

Nananawagan naman ng tulong si Mercy para sa kanyang anak na si Mika.

"Sana po matulungan para po habang lumalaki po siya, hindi po siya ma-bully sa school o ng mga bata po dito. Pangarap ko po, makapagtapos po siya at saka maging malusog po na bata," aniya.

Sa mga nais magbigay ng tulong kay Mika sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.