December 28 2023
Kahit walang maayos na paaralan, puno ng pangarap ang mga estudyanteng Manobo sa bayan ng Kidapawan.
Bilang tulong sa katuparan ng kanilang mga pangarap, handog ng GMA Kapuso Foundation ang bago at matitibay na Kapuso classrooms.
Apat na taon nang sinisulungan ng pamilya ni Vilma Dalora ang pinagtagpi-tagping kahoy at trapal matapos padapain ng lindol noong 2019 ang kanilang bahay sa Kidapawan.
Namamalagi sila sa likod ng temporary learning space ng Lake Agco Integrated School kung saan nag-aaral ang tatlo niyang anak. Umeekstra din si Vilma dito bilang tagalinis.
Dahil dito, batid niya ang hirap ng mga estudyante lalo na kapag umuulan. Nababasa kasi ang mga mag-aaral at hindi na marinig ang kanilang mga guro.
"Kahit mahirap kami, pinag-aaral ko 'yung mga anak ko," lahad ni Vilma.
Magandang balita ang dumating sa mga mag-aaral ng Lake Agco Integrated School at Sumayahon Elementary School sa Kidapawan dahil pinasinayaan na ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang bago at matitibay na Kapuso classrooms na ipinatayo dito.
"Noong nagtayo tayo dito, talagang sinugurado natin na aabot hanggang intensity 8 ang kayang i-withstand ng ating school," paliwanag ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.
Nagpatayo rin ng handwashing facility dito para sa mga kalinisan at kalusugan ng mga mag-aaral.
"Ang kagandahan nito, ito ay foot pedal para maiwasan ang pagkalat ng germs ang viruses. Mayroon din itong foot bath," pahayag ni Reginald Andal, executive director ng Manila Water Foundation.
Naghandog din ang GMA Kapuso Foundation ng Give A Gift bags para sa mga mag-aaral.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Philippine Army, 10th Infantry Division, 102nd Infantry Brigade, 39th Infantry Battalion, 52nd Engineer Brigade, 512th Engineer Construction Battalion, Austrian Embassy, Hanabishi, Yale Home Philippines, Sanitec Bath and Kitchen Specialist, Solid Shipping Lines Corporation, LGU of Kidapawan, DepEd-Division of Kidapawan, Union Philcement, at Union Galvasteel.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus