GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng pamasko sa mga apektado ng lindol sa Surigao del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ng pamasko ang GMA Kapuso Foundation sa mga apektado ng lindol sa Tagbina, Surigao del Sur.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng pamasko sa mga apektado ng lindol sa Surigao del Sur

By MARAH RUIZ

Ilang araw bago ang Pasko, tinamaan ng 7.4 magnitude na lindol ang Surigao del Sur.

Isa sa matinding naapektuhan ang pamilya ni Lelia Bibat na kasama ang mga apo noong gabi ng lindol.

"Lumindol, natakot kami kasi malakas. Hindi namin alam kung ano ang gagawin namin. Sa bubong sa aming CR kami natulog, tapos 'yung lababo namin, nababa 'yung poste," paggunit ni Lelia.

Tanging ang kanyang apong si Jean ang nagpapalakas ng kanyang loob ngayon.

"Proud ako sa aking apo kasi mabuti siyang mag-aaral at saka masipag siya. Panay ang pangarap namin pero wala naman kaming pera. Pangarap ko nga po mapadala sila sa eskuwela," lahad ni Lelia.

Kabilang si Jean sa mga batang hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng gift bags na may Noche Buena package at mga laruan sa ilalim ng proyektong Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy.

Sa kabuoan, 4,000 mga bata ang nahandugan ng regalo sa Tagbina, Surigao del Sur.

 

 

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Philippine Span Asia Carrier Corporation, AFP-Eastern Mindanao Command, Philippine Army-701st Brigade and 67th Infantry Battalion, at Municipality of Tagbina, Surigao del Sur.  

Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.