GMA Kapuso Foundation, nakapag-abot ng tulong sa 4,000 apektado ng lindol sa Surigao del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nakapag-abot ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 4,000 indibidwal na apektado ng lindol sa Hinatuan, Surigao del Sur.

GMA Kapuso Foundation, nakapag-abot ng tulong sa 4,000 apektado ng lindol sa Surigao del Sur

By MARAH RUIZ

Malaki ang pinsalang tinamo ng tahanan ng mag-asawang sina Aileen at Elbert Maceda na mula sa Brgy. Tiwi sa Hinatuan, Surigao del Sur matapos tumama ang magnitude 7.4 na lindol sa Mindanao.

Mabilis nilang itinali ang ilang gamit sa kanilang bagay para hindi masira ang mga ito.

"Pag hawak ko po ng ref, sa lakas po ng lindol, tumilapon po ako. Nabanda 'ko doon sa dingding namin," paggunita ni Elbert.

Gumuho ang haligi ng kanilang palikuran kaya pansamantala muna silang nakikigamit sa kamag-anak.

Aminado si Aileen na hirap sila tuwing kailangang gumamit ng banyo sa alanganing oras.

"Dito na lang po sa ilog, medyo malayo po kasi 'yung bahay ng kapatid ko. Okay lang kung hindi po gabi, doon po kami magsi-CR," paliwanag niya.

Apektado rin ang hanapbuhay ni Elbert matapos ang lindol.

"Ilang araw, hindi na po ako nakapanghuli ng alimango kasi natatakot ako. Baka kasi biglang lumaki 'yung tubig, tapos nasa coastal area na po kami," aniya.

Kabilang sila sa hinandugan ng relief goods ng GMA Kapuso Foundation sa Brgy. Tiwi sa Hinatuan, Surigao del Sur.

Sa kabuuan, 4,000 indibidwal na apektado ng malakas na lindol sa Mindanao ang natulungan ng Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Armed Forces of the Philippines, Eastern Mindanao Command, Philippine Army 701st Infantry Brigade, 67th Infantry Battalion, at Philippine Mine Safety and Environment Association supported by the Apex Mining Group.

Dahil na rin sa maraming nasirang istruktura matapos ang lindol, tumatanggap ang GMA Kapuso Foundation ng donasyon para makapagpatayo ng mas pinatibay na Kapuso Tulay at Kapuso Classroom sa kanilang lugar.  

Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

 

 

 

 

 

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.