GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga apektado ng lindol sa Surigao del Sur
December 13 2023
By MARAH RUIZ
Palutang-lutang sa tubig na lang ang natirang bahagi ng tahanan ni Carlinda Guvantes mula sa Hinatuan, Surigao del Sur.
Tumaas ang alon kaya nilamon ng dagat ang kanilang bahay matapos ang magnitude 7.4 na lindol noong December 2.
"Lumulundag-lundag na 'yung bahay namin. Akala ko nga hindi na makakaahon 'yung bahay kasi sobrang tagilid na tagilid na talaga," kuwento ni Carlinda.
Dahil dito, agad na tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa Surigao del Sur para maghatid ng tulong sa ilalim ng Operation Bayanihan.
Mahigit 3,000 indibidwal ang nabigyan ng relief goods sa Brgy. Pocto at Brgy. Portlamon ng Hinatuan, Surigao del Sur.
"It's the first time na na-experience po namin ito lahat so very traumatic experience po. Iisa kayo sa mga instrumento na makabigay ng tulong," lahad ni Sunrise B. Tumanda, municipal social welfare and development officer sa Hinatuan.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Armed Forces of the Philippines, Eastern Mindanao Command, Philippine Army 701st Infantry Brigade, 67th Infantry Battalion, at Philippine Mine Safety and Environment Association supported by the Apex Mining Group.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus