GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga mangingisdang apektado ng lindol
December 06 2023
By MARAH RUIZ
Matapos ang 6.8 magnitude na lindol na tumama sa Mindanao, nakaranas ng maalong karagatan sa General Santos City.
Ang malalakas na along ito ang naging sanhi ng pagkasira ng ilang bangka doon.
Isa sa mga apektado rito si Jocelyn Cerilla at asawa niyang mangingisda.
"'Yung dagat, papunta doon, pabalik malaki na talaga, maalaon talaga. Hindi na niya nailigtas ang sakayan namin. 'Yung asawa ko, malapit nang madisgrasya diyan, maipit siya sa sakayan," paggunita niya.
Bilang tulong sa mga apektado ng lindol, naghatid ng relief goods at nagsagawa rin ng feeding program sa mga bayan ng Glan at Malapatan sa Sarangani ang GMA Kapuso Foundation.
Karamihan sa mga natulungan dito ay mga mangingisdang nasiraan ng kabuhayan dahil sa pinsalang dala ng lindol.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Philippine Mine Safety and Environment Association supported by the Apex Mining Group, PA 10ID, 73rd BN, IBN, Task Force GenSan, at DSWD-Malapatan and Glan.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus