November 28 2023
August ngayong taon nang makilala ng GMA Kapuso Foundation sina Dea at Isa, conjoned twins mula sa Maguindanao del Sur.
Magkadikit ang kambal mula sa dibdib hanggang sa tiyan.
"Minsan po, nakikita ko silang nag-iiiyak, nag-iiiyak din ako kasi siyempre masakit din sa akin," pahayag ni Sultan Abdullah, tatay ng kambal.
Sa pag-asang mapaghiwalay ang mga bata, bumyahe silang pamilya patungo sa Maynila at lumapit sa GMA Kapuso Foundation.
Agad naman silang dinala ng GMA Kapuso Foundation sa pediatric surgeon at sumailalim sa iba't ibang laboratory tests ang mga bata.
"Ang kanilang puso, 'yung ventricle, 'yung lower chamber ng heart nila ay talagang magkadikit--fused, ang tawag namin. Fused, so wala silang separating point kung paano. Talaga pong very complicated in case na gawin ang operation. Baka ang isa ay magkaroon ng problema, ikamatay pa ng isa o dalawang baby," paliwanag ng pediatric surgeon na si Dr. Beda Espineda.
Ipinaliwanag din ni Dr. Espineda ang mga maaring maging kumplikasyon kung sakaling ooperahan ang mga bata kina Sultan at Jedana.
"Isa ang masasakripisyo which is sa atin naman, dapat hindi. Base doon sa aming MDC or multi-disciplinary conference--lahat na ng specialty, nandoon--nag-agree kami na huwag na naming ituloy ang operasyon," paliwanag niya sa magulang ng kambal.
"Mas gugustuhin ko na din po 'yung hindi sila mapaghiwalay kesa naman po sa hindi natin alam 'yung mangyayari sa kanila 'pag pina-operahan na," lahad ni Jedana Ati, nanay ng kambal.
Sa pag-uwi nila sa Maguindanao, may doktor doon na titingin at mag-aalaga sa kundisyon ng mga kambal.
"Maraming salamat sa mga doktor po na tumulong po sa amin, sa mga anak ko. Sa GMA Kapuso Foundation, naging daan po kung bakit po kami nandito, kung bakit po [napasuri] sa doktor 'yung mga bata, maraming maraming salamat po," mensahe ni Jedana.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa nina Dr. Barnie Garcia, Dr. Beda Espineda, at ng PCMC.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus