November 28 2023
Mahigit isang taon na simula noong tumama ang super typhoon Karding sa Burdeos, Quezon.
Bakas pa rin ang pinsala na dala ng bagyo sa ilang lugar dito kabilang na ang Tulan Elementary School.
Nagkaklase ang mga mag-aaral sa makeshift classrooms na gawa sa sira sirang trapal bilang dingding at butas-butas na yero bilang bubong.
Tuwing umuulan, naanantala ang klase ng mga grade 6 students dito.
"'Pag umuulan po, umuulan din sa loob. 'Pag mainit naman, kaya po may trapal, hinahabol po sila ng init," pahayag ni Troy Azas, head teacher I sa Tulan Elementary School.
"Iniintay na lang po namin na tumila tapos napunta po kami sa puwesto na hindi masaydong malakas naampiyasan ng ulan," dagdag naman ni Emmanuel Navarro, grade 6 adviser sa paaralan.
Bilang tulong sa kinabukasan ng mga mag-aaral ng Tulan Elementary School, magpapatayo dito ang GMA Kapuso Foundation ng dalawang classroom na may comfort rooms.
Nagsagawa na ng groundbreaking ceremony sa paaralan sa ilalim ng Kapuso School Development Project.
"'Yung ating structure, mostly ay buhos. Pati walling, buhos 'yan kaya siniugurado talaga natin na matibay 'yung itatayo natin," lahad ni Engineer Arnel Zantua, supervising engineer ng GMA Kapuso Foundation.
Nagbigay din ang GMA Kapuso Foundation ng mga regalo sa mga mag-aaral bilang bahagi ng Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project.
"Akala ko nga po panaginip lang, totoo pala. Kasi nakikita ko sa TV, parang imposible dahil liblib po itong lugar namin," mensahe ni Nikki Buefano, magulang ng mag-aaral sa Quezon.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Manila Water Foundation, Eagle Cement Corporation, Davies Paint Philippines, Hanabishi, Yale Home Philippines, Sanitec Bath and Kitchen Specialist, SOLCOM, 2ID, 202 BDE, 1st BN, PA, 51st EDBE, 564th ECBN, at Deped-Divison of Quezon.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus