GMA Kapuso Foundation, nakalikom ng mahigit 1,000 blood bags
November 28 2023
By MARAH RUIZ
Nagsagawa ng Sagip Dugtong Buhay Bloodletting Project ang GMA Kapuso Foundation sa Philippine Military Academy sa Baguio City kamakailan.
Isa sa mga nag-donate ang cadet na si Rafael Realuyo na minsan na raw nangailangan ng dugo para sa kanyang ina.
"It is my way of giving back as I would like to help those children that love their parents, that they do not want to lose," lahad ni Rafael.
Masaya naman si Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation, sa suporta ng PMA sa proyekto.
"Towards the latter part of the year, kailangan din talaga that we fill the kakulangan sa dugo. The PMA cadets and the officers of the PMA have been very generous in really offering their blood," pahayag niya.
Nakalikom ng 681 blood bags ang GMA Kapuso Foundation sa PMA. Mapupunta ito sa Philippine Red Cross, Baguio General Hospital at V. Luna General Hospital.
"There are a lot of illnesses brought about by typhoons, flooding. All these calamities, all these emergencies, require additional blood bank," paliwanag naman ni Carlos M. Canilao, bahagi ng Board of Directors ng Red Cross Baguio City Chapter.
Nagsagawa rin ang GMA Kapuso Foundation ng isang Sagip Dugtong Buhay bloodletting project sa Training and Doctrine Command ng Philippine Army sa Capas, Tarlac.
Bahagi ito ng 72nd anniversary ng TRADOC at kung saan nakalikom naman ng 434 blood bags. Nagbigay rin ng gamot at vitamins para sa kanila ang GMA Kapuso Foundation.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng PMA, TRADOC, Sogo Cares by Hotel Sogo, Hotel Tugos, Philippine Red Cross, Bea Binene, Naomi Park, Lime Aranya, Universal Robina Corporation, at Pascual Laboratories Inc. (PascualLab).
Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus