November 28 2023
Gumuho ang bahay ni Salvia Abedin matapos tumama ang 6.7 magnitude na lindol sa Malapatan, Sarangani
Ika-apat na beses na niyang nakaranas ng malakas na lindol kaya hindi niya inasahang guguho ang kanilang bahay.
"Walang nakatayo na hindi ibabagsak ng lakas ng lindol. Akala ko nga katapusan ko na. Ngayon talaga ang pinakamatindi. Tignan mo ang mga biyak, ang mga bitak ng mga lupa. Halos kalahati ng bahay namin ay gumuho," pahayag ni Salvia.
Ang mga anak naman ni Myradea Javier, nakakaramdam pa rin ng takot dahil sa naranasan sa lindol.
"Doon kami nag-evacuate, may bayabas doon. May nahulog na bayabas. Kahit ang sarap-sarap ng tulog, biglang bumangon. Sabi niya, 'Ina, lindol, lindol!' Umiiyak, yumakap sa akin," paggunita niya.
Maraming residente ang naapektuhan ng lindol at hindi nila tiyak kung paano mag-uumpisa muli.
Kaya naman naghatid sa kanila ng tulong ang GMA Kapuso Foundation ng tulong sa ilalim ng Operation Bayanihan.
Nagsagawa rin ng feeding program sa bayan ng Malapatan at Glan ang GMA Kapuso Foundation.
"Kahapon, nakita ko yung hitsura ng mga bata talaga. Sa munting tulong ng GMA Kapuso Foundation, nabawasan 'yung pangamba ng mga kabataan. Nakapagbigay ng ngiti si GMA Kapuso Foundation sa amin," pasasalamat ni Myradea.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Philippine Mine Safety and Environment Association, supported by the Apex Mining Group, PA 10ID, 73rd IBN, Task Force GenSan, DSWD-Malapatan and Glan, at Solid Shipping lines Corporation.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus