GMA Kapuso Foundation, tutulong sa gamutan ng 15 batang may cancer | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tutulong ang GMA Kapuso Foundation sa chemotherapy at laboratory tests ng 15 batang may cancer.

GMA Kapuso Foundation, tutulong sa gamutan ng 15 batang may cancer

By MARAH RUIZ

Ayon sa tala ng Wolrd Health Organization, 4,700 bata mula sa edad na 19 pababa ang nagkakaroon ng cancer kada taon.

Marami rito ang hindi nakakapagpagamot dahil sa kahirapan.

Bilang maagang pamasko sa ilang batang may cancer, muling inilunsad ng GMA Kapuso Foundation ang Kapuso Cancer Champions project na bahagi ng programang "Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy".

Sa ilalim ng proyektong ito, 15 batang may cancer mula sa iba't ibang pampublikong ospital ang tutulungan sa gamutan gaya ng chemotherapy at laboratory tests.

"Natigil kami ng active recruitment of patients yearly. Since COVID restrictions have been lifted, we've returned the project," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.

Kabilang sa mga batang ito ang 11-year old na si Marcio Crescini na na-diagnose na may mixed germ cell tumor nitong March. Nitong April din, tinanggal na ang nakitang bukol sa pagitan ng kanyang puso at baga.

"Hirap na po talaga siya kasi 10 centimeters na po. Every three months po 'yung CT scan tapos may PET scan, bone scan po," bahagi ni Ingrid nanay ni Marcio.

"Sana po ma-full recovery na po ako," pahayag naman ni Marcio.

Labas-pasok din ng ospital ang six-year old na si Hera Tagumpay para sa chemotherapy matapos ma-diagnose ng acute lymphoblastic leukemia noong January 2022.

"Sobrang hirap na hirap siya. Hindi siya makakain nang maayos," kuwento ng tatay niyang si John Michael.

Sa ngayon, tumubo na ulit ang buhok ni Hera at tuloy-tuloy rin ang maintenance chemotherapy niya kada buwan.

"Kailangan i-treat kasi ang tsansa nila talaga almost zero ang survival kapag hindi sila napagamot. Gagaling sila sa pamamagitan ng treatment na chemotherapy," paalala ni Dr. Ramon Severino.

Bukod sa tulong sa kanilang gamutan, naghandog din ng mga regalo at simpleng party ang GMA Kapuso Foundation para sa mga bata bilang paggunita na rin sa National Children's Month ngayong Nobyembre.

"GMA Kapuso Foundation gave us this opportunity that's why were are very happy to do these activities," pahayag ni Kidzooona President Tetsuhiro Masaru.

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyektong ito nina DJ Annabelle Agbulos, Dr. Ramon Severino, Jollibee Group, Chummy Chum Foundation Philippines Inc., Aeon Fantasy Group Philippines Inc., at Kidzooona.

Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.