GMA Kapuso Foundation, naghatid ng maagang pamasko sa mga mag-aaral sa Camarines Norte
November 07 2023
By MARAH RUIZ
Kadalasang payak ang Noche Buena ng pamilya ni Zoila Casunuran mula sa Jose Panganiban, Camarines Norte.
"Halimbawa na may ibibigay 'yung sa relief, ganyan, 'yan ang maihahanda ko," bahagi ni Zoila.
Basta't kumpleto ang pamilya, husto na raw ito para sa kanila.
"Ang mahalaga sama-sama kami. Kahit magdildil lang kami ng asin basta sama-sama," lahad niya.
Kargador ang asawa ni Zoila. Nagtitinda siya ng kakanin kapag mahina ang kita ng mister para mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak nilang si John Rod.
"Para po maabot ang aking pangarap na maging pulis. Pangarap ko po para maiahon sila sa kahirapan," ani John Rod.
Bilang maagang pamasko, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng Give A Gift bags na may lamang Noche Buena package para sa mahigit 3,000 estudyante sa Jose Panganiban, Camarines Norte.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng 9ID and 8ID, 902nd BDE, 9th BN and 63rd BN.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus