GMA Kapuso Foundation, ipinakonsulta ang batang may malaking bukol sa pisngi | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinakonsulta ng GMA Kapuso Foundation ang isang bata mula sa Cagayan na may malaking bukol sa kanyang pingi.

GMA Kapuso Foundation, ipinakonsulta ang batang may malaking bukol sa pisngi

By MARAH RUIZ

Kasabay ng paglaki ng 10-month old na si Chrisler mula sa Ballesteros, Cagayan, lumalaki rin ang isang bukol sa kanyang pisngi.

Sinlaki lang ng butil ng munggo ang bukol noong Agosto pero ngayon, sinalaki na ito ng kamao.

"Sumasakit yata. 'Pag minsan ginaganyan niya (hinahataw) 'yung ulo niya. Ang kinakatakot ko, baka maapektuhan 'yung tainga niya, saka palapit na sa mata," bahagi ng nanay ni Chrisler na si Jeanne Mappala.

"Sabi ko nga, sana nasa akin na lang 'yung sakit niya. Kasi ako, kaya kong sabihin kung anong nararamdaman kong sakit, 'yung bata hindi niya alam," emosyonal na pahayag ni Raquel Quinday, lola ni Chrisler.

Sinubukan nilang ipagamot si Chrisler sa Cagayan pero pamasahe pa lang, ubos na ang PhP300 na kinikita ng mister ni Jeanne tuwing makikisaka.

Dahil dito, lumawas sila mula Ballesteros, Cagayan patungo ng Maynila para humungi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation.

Agad naman ipinakunsulta ng GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ni Chrisler.

 

 

"Basically, benign conditions. Hindi natin matitiyak ang pinakasimula pero ang nangyari po diyan, nagkaroon ng bara sa mga dumadaloy na lymphoid area--'yung mga daulyan ng mga kulani--tapos nagkaroon ng implamasyon, nagkaroon ng pamamaga so naglakihan itong mga ito," paliwanag ni Dr. Hector Santos, isang plastic surgeon.

"Kailangan na nating magawa 'yung surgery but then basically ang diagnostic test ang kailangan natin--itong mga MRI, CT scan--para makita natin 'yung specific type ng lesion," dagdag ni Dr. Santos sa magiging gamutan ni Chrisler.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Hector Santos

Sa mga nais magbigay ng tulong kay Chrisler at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa GMANetwork.com/KapusoFoundation.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.