Classrooms na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa Kidapawan, magagamit na ngayong Nobyembre | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Magagamit na ngayong Nobyembre ang classrooms na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa Kidapawan, Cotabato.  

Classrooms na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa Kidapawan, magagamit na ngayong Nobyembre

By MARAH RUIZ

Apat na taon nang nagtitiis sa makeshift classroom ang mga mag-aaral ng Sumayahon Elementary School sa Kidapawan sa Cotabato.

Nasira kasi ang paaralan nang tumama ang malakas na lindol noong 2019.

"'Yung lumilindol, hirap talaga ang dinaaan namin dito. Para kaming na-shock lahat kasi 5 'yung paaralan nila nasira," paggunita ni Floramae Awag.

Ngayon, pinagsama ang Grade 1 at Grade 2 students sa isang makeshift classroom.

"Napakahirap po para sa akin na mag-handle ng dalawang klase. Kasi po, Grade 1 is parang need pa nila ng attention talaga so parang mahirap siya lalong-lalo na po sa pag-shifting ko sa ibang grade like Grade 2," bahagi ni Jean Longakit, guro sa Sumayahon Elementary School.

 

 

 


Para mapabilis ang pagpapagawa ng Kapuso classroom sa eskuwelahan, minabuti ng mga magulang na magbayanihan at tumulong sa pagbuo nito.

Ganito rin ang layunin ni Francis Ating na nag-volunteer din sa pagpapagawa ng Kapuso classroom sa Lake Acgo Integrated School kung saan nag-aaral ang dalawa niyang anak.

Nasira rin ang paaralan noong tumama sa probinsiya ang lindol noong 2019.

"'Yung mga anak ko na lang ang papatuluyin ko sa pagpaaral para po mataguyod ko 'yung kinabukasan nila," lahad ni Francis.

Ngayong Nobyembre maaari nang gamitin ang mga Kapuso classrooms na may kasamang comfort rooms na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa Sumayahon Elementary School at Lake Agco Integrated School sa Kidapawan.

"Almost 85 percent na 'yung both projects natin. Binuhusan natin 'yun bawat trusses para talagang naka-fix siya doon sa ating roof beam," paliwanag ni Engineer Arnel Zantua, supervising engineer ng GMA Kapuso Foundation.

"Kahit malayo kami, mayroon pa palang nagmamahal katulad niyo nga na GMA Kapuso Foundation," pasasalamat ni Floramae.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Austrian Embassy Manila, Union Galvasteel, Philcement, Manila Water Foundation, Sanitec Bath and Kitchen Specialist, Solid Shipping Lines, at Philippine Army 10 ID, 1002nd BDE, 39th BN.

Sa mga nais magbigay ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.