GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa 60,000 mag-aaral sa bansa | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng school supplies sa 60,000 mag-aaral sa buong bansa sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.  

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa 60,000 mag-aaral sa bansa

By MARAH RUIZ

Nagkakahalaga ng P75 to P100 ang habal habal sa Sarangani Island sa Davao Oriental kaya mas pinipili ng mga estudyante na maglakad para makapasok sa paaralan.

Kabilang dito ang mga anak ni Mary Grace Coste na sina Pedrito at John Mar na tatlong kilometro ang nilalakad kada araw para makarating sa eskuwelahan.

"Sabi ko sa mga anak ko, kahit gaano tayo kahirap, sisikapin kong makapag-aral kayo dahil ayaw ko pong matulad sila sa akin na wala po akong pinagaralan," pahayag ni Grace.

Malaking hamon para sa kanya ang pataas ng mga bilihin, kabilang ang school supplies.

"Kasi po noon, ito po (lapis), siyete lang po, pero ngayon dose na ito. Ito, (pad paper) trenta. Kung sa akin lang po, lima sila. Hindi ko po kaya," paliwanag niya.

Bukod sa kanila, marami pang mga mag-aaral ang humaharap sa hamon ng kakulangan sa gamit pang eskuwela.

Bilang tugon, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng kumpletong school supplies at alcohol para sa mga estudyante sa Luzon, Visayas at Mindanao sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

Sa tulong ng partners, sponsors at donors, 60,000 school bags ang naipamahagi ng GMA Kapuso Foundation sa 25 probinsiya sa buong bansa.

 

 



Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng AFP, JTF-NCR, Philippine Army, Philippine Span Asia Carrier Corporation, PNP Sarangani, DepEd Davao Occidental, Solid Shipping Lines Corporation, Meridian Shipping and Container Carrier Inc., Seaborne Shipping Lines Inc., Moreta Shipping Lines Inc., Starlite Ferries Inc., at Sta. Clara Shipping Corporation. 

Sa mga nais magbigay ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.