GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga mangingisda sa Bajo de Masinloc
October 10 2023
By MARAH RUIZ
Nakakaramdam ng takot sa banta ng panahon pati na sa kanyang seguridad ang mangingisda na si Floro Delehencia tuwing papalaot sa Scarborough Shoal o mas kilala bilang Bajo de Masinloc sa Zambales.
May malalaking barko ang China Coast Guard na nakabantay sa lugar.
"Natatakot kami na sa laki ng konsumo, baka bigla na naman silang mang-harass na naman. Baka malulugi na naman kami," pahayag ni Floro.
Buti na lang wala silang naranasang harassment ng mga kapwa niya mangingisda noong pumunta sila doon noong August pero sa gilid lang sila nakapangisda.
Tulad ng maraming taga roon, hangad niyang malaya na silang makapangisda sa loob ng Scarborough Shoal.
"Sa atin talaga 'yan kasi ang tatay ko noong araw, siguro wala pa kami sa mundo, 'yan na ang tinatakbo nila eh. Saka malapit lang din sa atin," lahad ni Floro.
Ginunita naman ng mangingisda na si Anthony Collado ang tone-toneladang naiuuwi nilang yamang dagat noong malaya pa silang nakakapangisda doon.
"Hindi magkamayaw kung tututok ka sa isda na papanain mo. Marami doon lapu-lapu, talakitok. 'Pag panahon ng January pugita naman," kuwento ni Anthony.
Bilang tulong sa mga mangingisda na hindi makapalaot sa Bajo de Masinloc, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng food packs para sa mahigit 15,000 indibidwal sa sa Masinloc, Zambales.
"Salamat po sa GMA Kapuso Foundation. Malaking bagay po, malaking tulong dahil ilang araw din kaming hindi nakapalaot," mensahe ni Anthony.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Shinhan Bank-Manila branch, 69IB ng Philippine Army, MSWD-Masinloc, at DA-Masinloc.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus