September 28 2023
Noong nakaraang Hunyo, aksidenteng nagawi si Benjie Abanceña at mga anak niya sa tanggapan ng GMA Kapuso Foundation.
Mula Bulacan, napadpad sila sa rito para hanapin ang dating kinakasama ni Benjie na ina rin ng mga anak niya.
"Pagdating ko mula sa trabaho, wala naman dito. Nadatnan ko lang, mga bata nag-iiyakan," paggunita ni Benjie.
Dahil tila malabo nang magbalikan pa sina Benjie at ang dating kinakasama, tinulungan siya ng GMA Kapuso Foundation na makabalik sa Samar para magsimula ng kanilang bagong buhay.
Sumailalim si Benjie sa counselling, at ipinasuri rin sila ng GMA Kapuso Foundation sa doktor.
Matapos ang tatlong buwan, binisita sila ng GMA Kapuso Foundation para kumustahin sa Tarangnan, Samar.
Maayos na ang sitwasyon ni Benjie at nagtatrabaho siya sa koprahan. May bahay na rin siya sa tulong ng DSWD-Samar. Pumapasok na rin sa paaralan ang anak niyang pitong taong gulang.
"'Yung katulad ko na mag-isa lang na tumataguyod sa pamilya, huwag lang tayong susuko. Makakaraos din tayo," pahayag ni Benjie.
Patuloy ang monitoring at counselling sa pamilya para siguraduhing maayos ang kanilang lagay.
"Ang laking pinagbago kasi noon parang lugmok. Ang laking pasasalamat namin sa GMA Kapuso Foundation kasi kung wala kayo, ewan na lang kung saan pupulutin 'tong mag-aama," lahad ni Alma Austero, provincial social welfare and development officer sa Samar.
Tinupad din ng isang sponsor ang hiling ni Benjie noon na motor para magamit sa kaniyang paghahanapbuhay.
"Maraming salamat po sa lahat po ng tumulong po sa akin, lalo na sa GMA Kapuso Foundation po," mensahe ni Benjie.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng Philippine Army 8ID, 3rd IBN, DSWD-Samar Province, at Sogo Cares by Hotel Sogo.
Sa mga nais magbigay ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus