GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang binatang lumalaki ang dibdib | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang isang 15-year old na binata na lumalaki ang dibdib.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang binatang lumalaki ang dibdib

By MARAH RUIZ

Kasabay ng kanyang pagbibinata, napansin ng 15-year old na si Jerome--'di niya tunay na pangalan--na lumalaki ang kanyang kanang dibdib.

"Habang tumatagal po nakikita kong halos kalahati ng kamao 'yung laki. Hindi po ako makapaniwala na bakit ganoon. Lalaki po ako, bakit parang nagkakaroon ako ng suso na pambabae po," lahad ni Jerome.

Para itago ang kanyang kundisyon, nagsusuot na lang ng makakapal at maluluwag na damit si Jerome.

"Nakakababa ng self-esteem po. Nakakawala rin po ng confidence," aniya.

 

 

GMA Kapuso Foundation

 

 

 

Kulang ang kita ng kanyang mga magulang kaya hindi siya mapatingnan sa doktor. Kaya naman nagpadala ng mensahe si Jerome sa email ng GMA Kapuso Foundation para idulog ang kanyang kundisyon.

Agad naman siyang ipinasuri sa espesyalista.

"Ang kaso niya ay 'yung tinatawag na gynecomastia. Hindi naman siya common pero madalas din nangyayari to somewhere from adolescence to early part ng teenhood ng mga lalaki na nagkakaroon ng paglaki ng breast. This is because of hormonal play. Doon sa lalaki, dapat mas mangingibabaw ang kanyang mga androgen," paliwanag ng plastic surgeon na si Dr. Hector Reyes.

Ipinaliwanag rin niya kung paano gagamutin ang kundisyon ni Jerome.

"Hindi naman po ito delikado but then it is emotionally distressful. Ang treatment niya, hindi ka naman gagawa ng hormonal treatment, but then most often, surgical ang treatment diyan to lessen it," bahagi ni Dr. Reyes.

Nananawagan si Jerome ng tulong para sa kanyang operasyon.

"Nananawagan po ako na sana matulungan niyo po ako at maipagamot 'yung nararamdaman ko po sa katawan ko," aniya.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Hector Reyes.

Sa mga nais magbigay ng tulong kay Jerome at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.