GMA Kapuso Foundation, napa-operahan na ang estudyanteng may bukol sa batok | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Napa-operahan na ng GMA Kapuso Foundation ang estudyante mula Cagayan na may bukol sa kanyang batok.

GMA Kapuso Foundation, napa-operahan na ang estudyanteng may bukol sa batok

By MARAH RUIZ

Nitong nakaraang March unang itinampok ang kuwento ni Clarissa Ceria o Kleng mula Ballesteros, Cagayan na 19 years nang pinahihirapan ng bukol sa kanyang batok.

Akala niya noon nunal lang ito pero mdalas nakakaramdan ng pagkahilo at paghihina dahil dito.

"Mararamdaman ko pong kumikirot saka po sinasabi ko po kay Mama. 'Ma, masakit na naman po 'yung bukol ko,' sabi ko po. Tapos 'yun po, kinabukasan po puputok na po," kuwento ni Kleng.

"Dugo po ang lumalabas. Hinihimatay po [siya] at 'pag sumusumpong 'yung ganoon niya po, tinatakbo namin agad sa ospital po," dagdag ng nanay ni Kleng na si Jodelyn Ceria.

Kasambahay ang nanay ni Kleng habang magbubukid naman ang kanyang tatay pero hindi sapat ang kinikita ng mga ito para maipagamot siya.

Idinulog ang kanyang kundisyon sa GMA Kapuso Foundation at napag-alamang hemangioma ang bukol sa kanyang batok.

"It's probably weakness ng mga vessels, ng attachment. Nagkadikit-dikit tapos nagkakaroon ng communication between vessels that feeds it so lalong lumalaki. Since she has already episodes na pumutok na at saka nagko-close lang, I would think it is just time we just do surgical treatment of the hemangioma," paliwanag ni Dr. Hector Santos, isang plastic surgeon.

 

 



Sumailalim kaagad sa operasyon nitong May si Kleng. Makalipas ang tatlong buwan, binisita siya ng GMA Kapuso Foundation para kumustahin.

Wala na ang bukol sa kanyang batok kaya bumalik na ang kumpiyansa niya sa sarili at mas ganado pa siya sa pag-aaral ngayon.

"Gumaan na po 'yung pakiramdam ko at wala na pong sagabal sa mga gusto kong gawin. Kay Dr. Hector Santos po, maraming maraming salamat po, saka po sa GMA Kapuso Foundation," mensahe ni Kleng.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Hector Santos at ng Child Haus.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Pwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.