September 14 2023
Ipinanganak na may imperforate anus or walang butas sa puwet ang walong taong gulang na si Sharifa mula sa Patikul, Sulu.
"Na-diagnose siya na mayroon siyang trisomy 21 o Down syndrome. May iba, 'yung isa or dalawa, na may congenital anomalies. Isa sa kanya 'yung walang butas ang puwet or imperforate anus," pahayag ng pediatric surgeon na si Dr. Beda Espineda tungkol sa kundisyon ni Sharifa.
Na-operahan na si Sharifa nong 2019 sa isang medical mission sa Maynila pero hindi na naituloy ang kanyang gamutan dahil sa pandemic at sa kawalan ng pediatric surgeons sa Sulu.
"Pag-uwi namin dito, naabutan kami ng lockdown ng 2020 na hanggang sa nagsara 'yung puwet na inoperahan," paliwanag ng nanay ni Sharifa na si Merilyn Palahuddin.
Nakaka-apekto naman sa paghahanapbuhay ni Anggi ang bukol na tumubo sa kanyang daliri. Kumikirot ito tuwing tinatamaan ng tali at lambat habang siya ang nangingisda.
Kabilang sina Sharifa at Anggi sa mga nabigyang ng libreng operasyon ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Give-A-Gift: Surgical Outreach Program sa Sulu.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation dito ang World Surgical Foundation Philippines at 11th Infantry Division ng Philippine Army.
"Wala pong pediatric surgeon dito sa Sulu kaya mayroon po kaming mga kasama na pediatric surgeon na nagpa-practice sa Zamboanga City Medical Center. After two weeks, doon na siya magpa-follow up," paliwanag ni Dr. Espineda sa pagpapatuloy ng gamutan ni Sharifa.
"Tinaggal lang natin 'yung pinaka bukol pero taking good care na ma-save 'yung tendon," lahad naman ng surgeon na si Dr. Ramon Inso tungkol sa operasyon ni Anggi.
Nagbigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng gamot at vitamins sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital at sa Sulu Provincial Hospital.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine College of Surgeons, Armed Forces of the Philippines, Joint Task Force-Sulu, World Surgical Foundation Philippines, 11th Infantry Division ng Philippine Army, Province of Sulu, Integrated Provincial Health Office-Sulu Provincial Hospital, Camp Teodulfo Bautista Station Hospital, Medical Center Trading Corporation, at Ambica.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Give-A-Gift: Surgical Outreach programs at iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus