GMA Kapuso Foundation, nakita na ang pagbuti ng lagay ng buto't balat na magkapatid sa Tarlac | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kinumusta ng GMA Kapuso Foundation ang magkapatid sa Tarlac na tila buto't balat dahil sa malnutrisyon at tuberculosis.

GMA Kapuso Foundation, nakita na ang pagbuti ng lagay ng buto't balat na magkapatid sa Tarlac

By MARAH RUIZ

May 29, 2023 unang binisita ng GMA Kapuso Foundation ang magkapatid na Christian Jake at Roger Apolonio sa Sta. Ignacia, Tarlac.

Buto't balat at halos hindi makatayo ang magkapatid noon. Hindi naman sila madala sa ospital ng kanilang nanay na si Maricel Quinio dahil kulang ang kita nito bilang isang kasambahay.

"Sana mai-admit daw kasi nga po talagang parang bumagsak na 'yung katawan niya. Sabi ko naman po, paano ko po madadala 'yang anak ko sa ospital eh walang wala nga po akong kapera pera," paggunita ni Maricel.

Agad na dinala ng GMA Kapuso Foundation sina Christian Jake at Roger sa ospital kung saan na-diagnose ng chronic malnutrition at tuberculosis.

Makalipas ang halos isang buwan na gamutan sa Tarlac Provincial Hospital, nakauwi na sila sa kanilang bahay.

Masigla at bumuti na rin ang kalagayan ng dalawa.

"Nakakalakad na po ako. Marami na pong pinagbago sa aming pong dalawang magkapatid," pahayag ni Christian Jake.

Para makatulong sa patuloy na pagbuti ng kanilang kundisyon, hinandugan sila ng GMA Kapuso Foundation ng kalan, electric fans para makatulong sa ventilation ng kanilang bahay, back care mattress bilang suporta sa likod ng mga bata, at vitamins para maibalik ang kanilang resistensiya.
 

 

 

"'Yung gamutan po natin sa TB, nanggagaling 'yan sa TB DOTS natin. Sa mga bata na may pulmonary tuberculosis, 'yung gamutan natin, libre po at wala pong bayad," paalala ni Dr. Ian Carlo Valencia, pediatrician sa Tarlac Provincial Hospital.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Propan, Tarlac Provincial Hospital, at ni Dr. Ian Carlo Valencia.

Kailangan pa rin ng tulong nina Christian Jake at Roger para sa pagpapatuloy ng nutrition buildup para sa pagbuti ng kanilang kalusugan.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa kanila at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.