GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa Marinduque
September 07 2023
By MARAH RUIZ
Isang beses sa isang taon lang malakas kumita ang mag-amang Eulogio at Jason Selva na mula sa Marinduque.
Gumagawa sila ng damit ng morion para sa Moriones Festival tuwing Semana Santa.
Kumikita sila ng P20,000 sa bawat limang damit. Malayo ito sa P2 na kita nila kada piraso ng morion keychin na ibinebenta sa normal na araw.
Kulang ito para makabili ng gamit pang-eskuwela ng anak ni Jason na si Gio.
"Dahil po mahina ang mga bakasyonista, walang bumili gaano. 'Pag Holy Week, mas maraming bakasyonista, mas marami kaming benta," bahagi ni Eulogio.
Kahit hirap, determinado si Gio na mag-aral.
"Gusto ko pong maging pulis. Gusto kong bumili ng magandang bahay," pahayag ni Gio.
Sumasali naman sa mga dance contests ang 5-year-old na si Kyle Camontoy para may pambili siya ng sapatos.
Isa ang kanyang pamilya sa mga nasalanta ng bagyong Paeng noong October last year.
"Sumasali po ako sa contest para pambili ng gamit," lahad ni Kyle.
Proud naman ang kanyang nanay na si Karren Sales dahil matataas ang grado ni Kyle.
"Mahalaga naman po [ang edukasyon]. Katulad ko, hindi ako nakapag-aral, mga anak ko na lang po. Sana makapagtapos at maitaguyod hangga't kaya," emosyonal na pahayag ni Karren.
Kabilang sina Gio at Kyle sa 2,400 kinder at grade 1 students na Marinduque na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng kumpletong gamit pang-eskuwela at alcohol sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Balar Hotel and Spa, DepEd Marinduque, at JTF NCR.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus