September 06 2023
Nakasanayan na ng mga residente ng Brgy. Abis sa Mabinay, Negros Oriental na painumin ng pinakulong dahon ng tawa-tawa o salingkapaw ang mga batang nilalagnat tuwing hindi sila makapunta ng ospital.
Sinira kasi ng bagyong Odette ang tulay sa kanilang barangay. Dahil dito, sinusuong nila ang ilog para lang makatawid. Tuwing umuulan, umaabot ng limang oras ang kailangan nilang hintayin para bumaba ang lebel ng tubig at makatawid sila nang ligtas.
"Kung umuulan, hindi kami puwedeng tumawid sa tubig. Maghahanap na lang kami ng herbal," kuwento ng residenteng si Rosalyn Lapus.
Bilang pagpapahalaga sa kalusugan, edukasyon at hanapbuhay ng mga nakatira sa Brgy. Abis, nagpatayo ang GMA Kapuso Foundation ng bago at kongkretong tulay na may habang 50 meters sa ilalim ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project.
Katuwang ang dito Armed Forces of the Philippines na tumulong sa paggawa ng tulay at nagbigay ng seguridad.
"Mayroon tayong tinatawag na sideswayer restraining cable. Ito 'yung unique cable system na nilagay natin sa ilalim ng ating tulay para ma-restrain 'yung paggalaw," paliwanag ni Engineer Arnel Zantua, supervising engineer ng GMA Kapuso Foundation.
"Tuwang tuwa nga tayo na enrollment went up. Talagang patunay ito na nakakatulong talaga ang Kapuso Bridge sa mga kabataan," pahayag naman ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.
Namahagi rin ng school supplies sa mga mag-aaral at vegetable seeds naman sa mga residente ang GMA Kapuso Foundation.
"Salamat po sa GMA Kapuso Foundation, makakapasok na po kami ng walang kaba," mensahe ng mag-aaral na si Jeyan Tabulong.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng PPG Coatings (Philippines) Inc.; Philcement; Phinma Construction Materials Group; Armed Forces of the Philippines, Visayas Command, 53rd Engineer Brigade, 542nd Engineer Construction Battalion; Equator Energy Corporation; Philippine Army, 3rd Infantry Division, 302nd Infantry Brigade, at 47th Infantry Battalion.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus