September 06 2023
Maingat na pinipilas ni Jenefer Bertudez na mula sa Polillo Island, Quezon ang pahinang may sulat mula sa pinaglumaang notebook ng anak na si Reyna.
Ito rin ang gagamiting notebook ni Reyna sa pagbabalik niya sa school. Walang pa kasi silang pambili ng bagong gamit dahil kulang ang PhP300 kada araw na kita ng kanyang mister sa pangingisda.
"Gagawan ko na lang po ng solusyon para po magamit po uli nila. Habang wala pa pong maibili, 'yun po muna pansamantala," bahagi ni Jenefer.
Hindi naman balakid ang kakulangan ng gamit kay Reyna na consistent honor student.
"Sa akin, naiintidihan ko naman po 'yun. Napapagtiyagaan ko naman po 'yung mga luma," lahad ni Reyna.
Kabilang si Reyna sa mga estudyante na makikinabang sa ipinatayong Kapuso School ng GMA Kapuso Foundation sa Binibitinan Elementary School sa Polillo Island sa Quezon.
Kayang harapin ng bagong classrooms na ito ang 300 kph na lakas ng hangin at intensity 8 na lindol.
"Kayo 'yung binibitinan, dito bumibitin, dito umaasa. So anong ibig sabihin? Dapat matibay. Napakagandang pangitain ng pangalan ng inyong school dahil kayo ay binibitinan. Binibitinan kayo ng mga bata," mensahe ni GMA Kapuso Foundation ambassador and special adviser Mel Tiangco sa pagbisita niya sa paaralan.
Nagtayo rin ang GMA Kapuso Foundation ng handwashing facility at comfort room sa bawat classroom. Nagsagawa rin ng tree planting activity dito.
Bilang bahagi naman ng Unang Hakbang sa Kinabukasan Project, namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng school bags na may kumpletong school supplies sa mga mag-aaral dito.
"Ang mga bata ay mga excited na pong papasok. Taos-pusong pasasalamat sa lahat po ng donors at mga bumubuo po ng GMA Kapuso Foudation," pasasalamat ni Michelle Tagara Juntereal, Head Teacher I, sa Binibitinan Elementary School.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Propan.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus