September 04 2023
Pagktapos ng pasok sa eskuwela, naglalako ng prutas ang 11-year-old na si Krishane May Cabato na mula sa Polillo Island, Quezon.
Kumikita siya ng PhP10 sa kada PhP100 na benta at ginagamit niya itong pambaon kinabukasan.
"Gusto ko pong magtapos ng pag-aaral kahit hirap na hirap kami sa buhay, kasi po naaawa rin po ako sa mga magulang ko," pahayag ni Krishane.
Tinuturuan pa ni Krishane sa kanilang mga aralin ang kanyang mga nakababatang kapatid. Kabilang sila sa mga makikinabang sa bagong classrooms na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa Binibitinan Elementary School sa Polillo, Quezon.
Matapos ang halos tatlong buwan, nakumpleto na ang paggawa ng mga bagong gusali sa paaralan.
Personal pa itong binisita ni GMA Kapuso Foundation ambassador and special adviser Mel Tiangco para masaksihan niya nag pagpapasinaya sa bagong Kapuso school sa lugar.
"Katuwang ang ating mga partners, sponsors, donors, at volunteers, nakapagpatayo tayo ng dalawang silid-aralan. Aming pinagtibay talaga 'yan sapagkat ito ngayon ang magiging tahanan ng karunungan ng mga bata dito ngayon at sa mga susunod pang henerasyon," lahad ni Tiangco.
"Mga Kapuso, pinagmalalaki po namin sa inyo ang ika-438 paaralan na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation, ang Binibitinan Elementary School," dagdag pa niya.
"Hindi pa tayo nagkakaroon ng eskuwelahan dito sa parte na ito. At saka gusto talaga natin, matayo kaagad ito dahil isa sila sa mga worse affected ng bagyong Karding," pahayag naman ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang AFP, Philippine Army 2nd Infantry Division, 51st Engineer Brigade, 202nd Infantry Brigade, 564th Engineer Construction Battalion, Cemex Philippines Foundation, Union Galvasteel, Phinma Construction Materials Group, Manila Water Foundation, Hanabishi, Yale Home Appliances, at Sanitec Bath and Kitchen Specialist.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments