GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng eye check up at salamin | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng eye check up at salamin para sa mahigit 100 tao.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng eye check up at salamin

By MARAH RUIZ

Parehong malabo ang mga mata ng mag-asawang sina Josephine at Enrique Gaviño.

Naghihiraman lang sila ng reading glasses na nabili nila sa bangketa sa halagang P50.

Sapat lang kasi sa gastos ng pamilya ang P300 kada araw na kita ni Enrique bilang cutter operator.

"Napakahalaga po sa akin ng salamin kasi sa trabaho ko, binabasa ko kung anong klaseng papel ang mga pinuputol ko," pahayag ni Enrique.

"'Pag umuuwi po siya galing trabaho, ginagamit ko po 'yun para ako naman ang makabasa sa text. 'Pag wala siya, wala. Nagtitiis ako," kuwento naman ni Josephine.

Malabo rin ang mga mata ng anak nila na si Clarence. Pinagtitiisan nito ang salamin na nabili online sa halagang P100.

"Hindi ko po naiintidihan 'yung mga lessons po kasi hindi ko po nakikita," lahad ni Clarence.

Hindi naman ipinapayo ng mga doktor ang pagsusuot ng salamin na hindi sukat sa ating mga mata.

"Pagka ang tinutukoy nating salamin na pang malayo tapos bibili lang po kayo sa bangketa, minsan kasi may mga sakit sa mata na 'pag mali ang sinuot mong grado, maaring lumala. Tulad nito 'yung mga duling at saka pagbabanlag," paalala ng ophthalmologist na si Dr. Ronald Antonio Reyna.

Sa pagpapatuloy ng Kapuso 20/20 Eye Project ng naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng libreng salamin at eye consultation sa mahigit 100 katao.

Personal pang kinumusta ni GMA Kapuso Foundation ambassador and special adviser Mel Tiangco ang ilang beneficiaries, kabilang ang pamilya Gaviño na tinulungan pa niyang pumili ng bagong frame ng salamin.

 

 


"'Yung sa mother niya is reading glasses, and 'yung sa aanak niya is myopic. Ibig sabihin, nearsighted siya whch is very high na rin 'yung kanyang grade," paliwanag ni Dr. Alina Gonzales, optometrist.

"Si sir, malabo ang paningin niya sa malapit, 'pag nagbabasa, nagsusulat," dagdag naman ni Dr. Rowena Anupol, optometrist.

Sa ilalim din ng Kapuso 20/20 Eye Project, 113 mag-aaral mula sa Cebu ang nabigyan ng libreng eye check up at 20 sa kanila ang nangangailangan at mabibigyan ng libreng salamin.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa Kapuso 20/20 Eye Project ng EO-Exectuve Optical, Jollibee Group, Dr. Ronald Antonio Reyna, Dr. Rowena Anupol, at Dr. Alina Gonzales.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.