GMA Kapuso Foundtion, magtatayo ng dalawang silid-aralan sa Lake Agco Integrated School | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Magtatayo ang GMA Kapuso Foundation ng dalawang bagong silid-aralan sa Lake Agco Integrated School bilang kapalit sa mga nasira ng lindol.  

GMA Kapuso Foundtion, magtatayo ng dalawang silid-aralan sa Lake Agco Integrated School

By MARAH RUIZ

Nasira ang tahanan nina Mary Ann Escamella noong tumama ang malakas na lindol sa Kidapawan noong 2019.

"Nagpa-panic po sila. 'Yung isa nga, 'yung babae umiiyak kapag mag-lindol. Nandiyan pa rin po 'yung trauma," paggunita ni Mary Ann.

Bukod sa kanilang bahay, nasira rin ang paaralan na pinapasukan ng anak niyang si Kylie.

Pansamantalang nag-aaral sa isang temporary space ang mga estudyante ng Lake Agco Integrated School kung saan marami sa mga estudyante ay Manobo.

"Kahit ganito 'yung sitwaston namin, nakikita ko talaga na sisikapin talaga nila na makapag-aral kahit na talagang nakikita sa mga mukha nila na nahihirapan," pahayag ni Randy Altamero, isang gurong Manobo sa Lake Agco Integrated School.

 

 

 



Para matugunan ang pangangailangan ng mga mga-aaral, nagsagawa ng groundbreaking ceremony ang GMA Kapuso Foundation bilang bahagi ng Kapuso School Development project.

Magpapatayo ang GMA Kapuso Foundation ng dalawang classrooms na may comfort room sa Lake Agco Integrated School sa Kidapawan.

"Ito'y magiging napakatibay kasi mostly 'yung ating structure is buhos. Gumagamit din tayo ng light gauge steel frames," paliwanag ni Engr. Arnel Zantua, supervising engineer ng GMA Kapuso Foundation.

Namahagi rin ang GMA Kapuso Foundation ng vegetable seeds sa ilalim ng Gulayan sa Paaralan project.

"Sana ‘yan po ay pangalagaan ninyo para hindi lang po ang mga bata ngayon ang makinabang kundi marami pa pong henerasyon," mensahe ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philcement, Union Galvasteel, Solid Shipping Lines, at Philippine Army 10th Infantry Division, 1002nd Infantry Brigade, at 39th Infantry Battalion.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.