GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng wheelchair, stroller, at arm and hand prosthesis sa mga may kapansanan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng wheelchair, stroller, at arm and hand prosthesis sa mga persons with disability o PWD.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng wheelchair, stroller, at arm and hand prosthesis sa mga may kapansanan

By MARAH RUIZ

Ayon sa tala ng National Council on Disability Affairs, nasa mahigit isang milyon at isandaang libo ang may kapansanan sa Pilipinas ngayon.

Kabilang diyan ang mga bata at may edad na hindi na makalakad dahil sa iba't ibang kondisyon.

Isa na riyan si Loreta Dollero mula sa Calabanga, Camarines Sur na na-stroke noong 2021 kaya napilitan huminto sa hanap-buhay niyang pagtitinda ng lutong ulam.

"Kung hindi ako makainom ng gamot, hindi ako makagalaw. Tinutulungan lang ako ng mga tao," emosyonal na pahayag ni Loreta.

Kalahati ng kanyang katawan ang hindi maigalaw kaya nahihirapan siya tuwing magpapa-check up dahil walang magamit na wheelchair.

"Instead na maglakad pa siya diyan, mas madali na itutulak na lang. Tataas pa 'yung BP (blood pressure) niya, mas malaki 'yung risk sa danger po," paliwanag ng anak ni Loreta na si Francine Dollero.

Bilang pakikiisa sa paggunita ng World Senior Citizens day, naghandog ng GMA Kapuso Foundation ng libreng wheelchair, food packs, at gamot sa 17 senior citizens sa Calabanga, Camarines Sur, kabilang si Loreta.

"Napakalaking tulong na ginagawa ng GMA Kapuso Foundation na hindi namin makakalimutan. Nagpapasalamat ako sa GMA Kapuso Foundation, lalo na kay Ms. Mel Tiangco," lahad ni Roberto Ustaris, presidente ng Barangay Senior Citizens Association sa Calabanga, Camarines Sur.

Nagbigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng stroller para sa mga batang may kapansanan mula sa probinsiya ng Siquijor at Negros Oriental.

Bukod doon, namahagi rin ang GMA Kapuso Foundation ng libreng arm and hand prosthesis sa mga naputulan ng kamay at braso sa tulong ng LN-4 Foundation.

"Ang GMA Kapuso Foundation ay nakikiisa po sa inyo, sa inyong recovery para ma-encourage lahat ng with disabilities, kahit po naputulan tayo ng kamay, may magagawa po tayong mabuti," mesahe ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.

"Ang requirement lang po ng LN-4 Foundation, below the elbow amputee lang po siya. Need to think of what your social or financial status is," paalala naman ni Grace Cabato, LN-4 Philippine Ambassador.

 

 

 

 



Nagpapsalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Lotus Tools Philippines, Giant Carrier, AFP-Civil Relations Service at LN-4 Foundation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.