GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang conjoined twins mula Maguindanao del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Dumulog sa GMA Kapuso Foundation ang mga magulang ng conjoined twins mula sa Maguindanao del Sur.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang conjoined twins mula Maguindanao del Sur

By MARAH RUIZ

Nasa lahi ni Sultan Abdullah ang pagkakaroon ng kambal sa pamilya.

Kaya naman doble ang saya nila ng misis na si Jedana Ati na kambal din ang magiging una nilang anak.

Pero hindi nila inasahan na conjoined twins pala ang kanilang mga supling na sina Dea at Isa.

"Magkadikit sila. Akala ko ay normal lang po," paggunita ni Sultan sa kapanganakan ng mga anak noong July 18, 2022.

Magkadikit mula dibdib hanggang tiyan ang dalawang bata.

"Noong binubuhat ko sila, nakatayo. Tapos noong inuubo 'yung isa, nasasaktan 'yung isa. Saka umiiyak silang sabay," kuwento naman ni Jedana.

Mula sa Maguindanao del Sur, lumuwas sila ng Maynila para patingnan sa espesyalista ang kambal.

Dumulog sila sa GMA Kapuso Foundation matapos imungkahi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dito ilapit ang kundisyon ng kanilang mga anak.

 

 

 

 



Agad na pinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang bata sa mga espeasyalista at sumailalim sila sa 2D echo.

"Nakita po sa 2D echo, although [magkadikit] sila, dalawa po 'yung puso. Hindi sila isa lang. Ang kaso lang, magkadikit 'yung ventricle nila, 'yung babang bahagi ng chamber (ng puso). 'Yung isa po, isa lang 'yung atrium niya na nakadikit doon sa kabilang atrium," paliwanag ng pediatric surgeon na si Dr. Beda Espineda sa paunang findings sa kambal.

Kailangan sumailalim nina Dea at Isa sa CT scan na aabot sa mahigit P100,000.

"Puwedeng malaman doon kung mayroon siyang sharing ng puso or mayroon siyang magkadikit o magka-share sila ng kanilang malaking ugat," lahad ni Dr. Espineda.

"Sana po, matulungan n'yo po ako sa anak ko po na mapaghiwalay," panawagan ni Jedana.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng Philippine Children's Medical Center at ni Dr. Beda Espineda.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa kambal at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.