August 09 2023
Lampas tao ang baha na dala ng Bagyong Egay sa Brgy. Lipcan sa Bangued, Abra.
Ang pamilya ni Luz Baga, lumikas sa isang lugar na ikatlong palapag pero halos abutin pa rin ng baha.
"Muntik na nga po kaming malunod lahat. Akala ko mamamatay na kami talaga. Tumawag po kami ng magre-rescue, wala naman makakaya kasi malalaki nga 'yung alon tapos malakas 'yung daloy ng tubig. 'Yung hangin, malakas din," kuwento ni Luz.
Mula sa kanyang kinatatayuan, tanaw din niya ang kanilang bahay habang tinatangay ito ng baha.
"Parang gusto ko nang sumigaw kasi nakikita ko 'yung bahay, unti-unti nang ginigiba. 'Yung bubong namin, nilipad na," paggunita ni Luz sa bahay na 20 years na nilang tahanan.
Sa Brgy. Macarcarmay naman, natabunan ng lupa at bato ang taniman ng palay ni Aida Belarmino.
Hindi na ito muling matataniman pa kaya sinasalba na lang niya ang mga pananim na maaari pang pakinabangan.
"Nalulungkot po ako kasi 'yung mga kagaya kong farmers, wala na naman po silang kikitain. Wala na naman po kaming kakainin," pahayag ni Aida.
Sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods and hygiene kits para sa mga residenteng apetakdo ng Bagyong Egay sa abra.
Sa kabuuan, 4,000 tao ang nahatiran ng tulong dito.
"Nagpapasalamat po kami sa GMA Kapuso Foundation kasi binigyan n'yo po kami ng tulong para pantawid po namin sa araw-araw namin," mensahe ni Aida.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang PDRRMO-Abra, Philippine Army 7th Infantry Division, 24th Infantry Battalion, at Sogo Cares by Hotel Sogo.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, GCash at Metrobank credit cards.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Ang inyong donasyon ay 100% tax deductible.
Ang GMA Kapuso Foundation ay accredited ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Council for NGO Certification (PCNC).
advertisement
advertisement
Comments