GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mahigit 2,000 residente sa Abra | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mahigit 2,000 residente sa Bangued, Abra na apektado ng Bagyong Egay.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mahigit 2,000 residente sa Abra

By MARAH RUIZ

Isang taon matapos tumama ang magnitude 7 na lindol sa Abra, panibagong pagsubok na naman ang dala ng Bagyong Egay rito.

Ang ilang mga bahay na may mga bitak na dala ng lindol, tuluyan nang gumuho dahil sa pagbaha.

Ganito ang sinapit ni Grace Sabugo at ng kanyang pamilya. Pati ang mga paninda niyang prutas, tinangay na rin ng baha.

"Ngayon as in wala. Hindi na pwedeng tirhan. Back to zero talaga kami--walang puhunan, walang pera, walang gamit, walang bahay," pahayag ni Grace.

Pilit naman niyang isinasalba ang mga gamit na puwede pang mapakinabangan, pati na ang mga medalyang natanggap ng kanyang mga anak.

"Nawala man sa amin ang lahat pero diyan namin makikita kung bakit namin kailangan talaga bumangon at magsakripisyo para sa mga anak namin," bahagi ni Grace.

Sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods at hygiene kits para sa mahigit 2,000 indibidwal sa Brgy. Lipcan sa Bangued, Abra.

"Maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation. Malaking tulong po sa amin. Hindi lang po sa amin, sa lahat po ng nakatira, mga nabaha," mensahe ni Grace.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Sogo Cares by Hotel Sogo, Procter and Gamble Philippines Inc., Philippine Army 7th Infantry Division, 24th Infantry Battalion, at PDRRMO-Abra.

 

 

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.