GMA Kapuso Foundation, naghatid ng food packs para sa strawberry at vegetable farmers sa Benguet
August 03 2023
By MARAH RUIZ
Lumubog sa tubig-baha ang tanyag na strawberry farm sa La Trinidad, Benguet dahil sa pag-ulang dala ng Bagyong Egay.
Nabulok ang mga tanim ng strawberry at vegetable farmer na si Divina Pagoli na magdadala sana sa kanya ng PhP10,000 na kita.
"Alam naming super typhoon at nag-ayos ayos naman kami. Inayos namin 'yung mga talukbong ng aming pananim. Kaso nga lang, hindi naman inaasahan na lulubog pala itong farm," paliwanag ni Divina.
Hindi na rin mapapakinabangan ang mga tanim niyang letsugas na umabot ng 1.5 tonelada kung naani.
"Mukhang wala na pong pakinabang kasi lubog na po siya. Kapag iinit na po ito, malulusaw na po siya," lahad ni Divina.
Nababad naman sa lagpas taong baha ang tanim na strawberry ni Margaret Atinyao.
"Okay pa sana 'yun, pandagdag ng gastusin natin. Ang kaso, nawala na. Hinarvest na ni Egay," ani Margaret.
Kabilang sila sa 1,000 pamilya ng vegetable at strawberry farmers at pati na vendors na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng food packs sa ilalim ng nagpapatuloy na Operation Bayanihan.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Benguet Police Provincial Office at La Trinidad Municipal Police Station.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus