GMA Kapuso Foundation, nagdala ng tulong sa mga apektado ng Bagyon Egay sa Ilocos Sur
August 01 2023
By MARAH RUIZ
Maraming nasirang mga imprastraktura tulad ng mga tulay at bahay sa Ilocos Sur dahil sa matinding pagbaha na dala ng Bagyong Egay.
Isa sa mga nawalan ng tirahan si Marilou Morales, na pamana pa naman ng kanyang lolo at lola ang bahay.
"Kasi ito na po 'yung nangyari ngayon, nagkasunod-sunod po. Kaya po ‘yung bahay, 'yun po sana ang alaala ko, nawala po," emosyonal na pahayag ni Marilou.
Flooring na lang ang natira sa bahay ni Herminia Alteberos. Nasira rin ang pananim na kangkong kaya naghihinayang siya sa kikitain ditong PhP300.
"Ilang bagyo na ang nagdaan, ngayon lang po kami talaga [nasiraan] ng bahay na ganitong buo. Lahat po ng hanap-buhay namin, nawala lahat," lahad ni Herminia
Bilang tulong sa mga apektado ng Bagyong Egay, nagdala ang GMA Kapuso Foundation ng food packs at diapers para sa 3,600 residents sa Bantay, Ilocos Sur sa ilalim ng Operation Bayanihan.
"Kailangan ngayon ng mga food and non-food items lalo sa mga malalapit sa river. Sila 'yung pinaka-affected dito sa baha," paliwanag ni Rhon Arquelada, PDRRM officer sa Ilocos Sur.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang PDRRMO ng Bantay, Ilocos Sur, MSWD ng Bantay, Ilocos Sur, at Philippine Army 1st Regional Community Defense Group Reserve Command.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus