July 28 2023
Inaani na ang mga tanim na gulay mula sa vegetable seedlings na handog ng GMA Kapuso Foundation sa General Nakar, Quezon
Itinanim ang mga ito noong nakaraang Marso sa ilalim ng Kapuso ng Kalikasan project.
Isa sa mga nakikinabang dito si Renalyn Pacombola at ang tatlo niyang anak.
"Nailuluto ko po sila na masustansiya. Kahit walang karamihan ng sahog, at least masustansiya po ang kinakain ng mga anak ko tuwing kakain kami," kuwento ni Renalyn.
Ang isa sa kanyang mga anak ay kabilang sa 331 bata na pasok sa 120-day feeding program ng GMA Kapuso Foundation sa General Nakar, Quezon na Give-A-Gift: Feed A Child at nakapagdagdag na ng dalawang kilo sa kanyang timbang.
Malaki ang papel ng mga magulang sa nutrisyon ng mga bata kaya bago matapos ang proyekto, tinuruan din ng GMA Kapuso Foundation ang mga magulang kung paano maghanda ng mura pero masustansiyang pagkain
"Nagbigay din po tayo ng mga lectures patungkol sa nutrisyon at mga healthy recipes para talaga namang sa bahay pa lang nila mabigay na nila 'yung tamang nutrisyon ng mga bata," pahayag ni Stephanie Marie Peña, nutritionist sa GMA Kapuso Foundation.
"Ang partnership po dito sa GMA Kapuso Foundation ay talagang match na match because pareho po kaming naniniwala na kailangan nating labanan ang malnutrition," lahad naman ni Vincent D. Baltazar, nutrition lead ng Unilever Philippines.
"Sana po lahat ng natutunan n'yo sa GMA Kapuso Foundation, madala n'yo po at pagyamanin n'yo po 'yung kaalaman na 'yun," mensahe naman ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Knorr Philippines, Odyssey Foundation Inc., Mondy and Goldy's Beach Resort, Bambuhay, Haverson-Power to Grow, LGU of General Nakar in Quezon, Municipal Nutrition Office, Office of the Municipal Agriculturist, at DepEd Division of Quezon.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus