GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga magsasaka ng Isabela
July 28 2023
By MARAH RUIZ
Dalawang beses sa isang taon umaani ng mais ang mag-asawang Mary Jane at Reynato Tayabas mula sa Echague, Isabela.
Apektado daw ang kanilang mais at iba pang pananim dahil sa El Niño.
"'Yung mga pinya naman po, 'yung iba bagsak po ang dahon kasi matagal nang walang ulan tapos napabayaaan na hindi gaanong nalinisan. 'Yung mga saging po, 'pag nagkaroon po ng malalakas na hangin, natutumba po sila," paliwanag ni Reynato.
"Kung minsan, nahuhuli kami sa pagtatanim kasi walang sariling kalabaw. Kung minsan, nagiging dahilan 'yung panahon, pa-iba iba," dagdag naman ni Mary Jane.
Sa 13 years nilang pagtatanim ng saging, pinya at mais, laging galing sa utang ang kanilang puhunan para dito.
May natanggap silang ayuda mula sa DSWD Isabela at ginamit nila itong puhunan para makapagtinda ng isda. Kumikita sila dito ng P1,000 kada linggo.
Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority, ang Isabela ang nangunguna sa produksiyon ng mais sa Pilipinas noong unang bahagi ng 2023.
Pero dahil sa epekto ng El Niño, nalulugi na ngayong ang mga magsasaka dito.
Sa ilalim ng Operation Bayanihan, naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga liblib na barangay ng Isabela.
Namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods at hygiene kits para sa magsasakang apektado ng El Niño.
Nagbigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng gamot, vitamins at hygiene kits sa mga rural health unit ng Isabela.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Philippine Army 53rd Engineer Brigade, 86th Infantry Battalion, 95th Infantry Battalion; Bae Barangay Council; PNP San Pablo Station, Burgos Station, Jones Station; Provincial Agriculturist, Isabela; Municipal Agriculturist Echague, San Guillermo, Jones; Rhea Generics and Philusa Corporation; Hello Glow and Ever Bilena Cosmetics Incorporated.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus