GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga magsasaka sa Cagayan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga magsasaka na apektado ng El Niño sa Cagayan.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga magsasaka sa Cagayan

By MARAH RUIZ

Inabutan ng tag-tuyot ang maisan ni Milagros Alonzo sa Baggao, Cagayan.

Problemado siya dahil inutang lang niya ang puhunan para sa mga pananim.

"Gabi na lang at saka saging ang puwede naming ibenta ngayon kasi wala nang ulan," paliwanag ni Milagros.

Naibebenta nila ang saging sa halagang P8 hanggang P10 kada kilo. Kulang ito sa pangangailangan nila at ng walo nilang anak.

Idineklara ng PAGASA na nitong Hunyo ang simula ng El Niño at kabilang ang mga magsasaka sa Cagayan sa mga naapektuhan nito.

"Sana may makapagbigay ng mga seedlings sa amin--sitaw, kalabasa, sili," panawagan ni Milagros.

Bilang tulong, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods, sabong panlaba at hygiene kits para sa ilang magsasaka sa Cagayan sa ilalim ng Operation Bayanihan.

 

 

 

 

 

 

"Ito 'yung mga sitios na na-identify natin na sila 'yung mga hindi naabutan ng serbisyo. Sa katunayan, kayo po 'yung first organization na nagbigay in support po sa El Niño. Malaki po 'yung pasasalamat namin sa GMA Kapuso Foundation," pahayag ni 1Lt. Lucky Mar C. Borres, Civil Military Operation 17IB, 51D, Philippine Army.

"Kahit malayo sa amin, nadadatnan kami ng tulong," pasasalamat ni Gilmer Infante, barangay kagawad sa Sitio Lagum, Brgy. Lipatan, Sto Niño, Cagayan.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang 5th Infantry Division, 502nd Infantry Brigade, 17th Infantry Battalion, 77th Infantry Battalion ng Philippine Army; Municipal Agriculturist ng Baggao,  Rizal, at Sto Niño; Rhea Generics at Philusa Corporation; Hello Glow at Ever Bilena Cosmetics Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.