July 13 2023
Halos isang buwan na sa evacuation centers ang maraming residente sa Albay dahil sa patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Hamon para sa karamihan ang pagtigil ng kanilang mga hanapbuhay.
Isa na riyan ang pamilya ng 70 years old na si Elisa Balbin. Kabilang sila sa mga gumawa ng makeshift shelters sa Brgy. San Andres sa Sto. Domingo, Albay.
Gumastos sila ng halos PhP5,000 para maitayo ang makeshift shelter nila. Inaalagaan pa ni Elisa ang nanay niyang 95 years old na.
"Mahirap din dahil sa wala kami doon sa aming bahay. Pero dito, okay din naman, safe kami kasi nakaaktakot din 'di ba," pahayag ni Elisa.
Nag-aalala naman para sa pag-aaral ng kanyang mga anak si Rosemarie Cañete na taga Ligao City.
Hindi kasi makapagtrabaho ang kanyang asawa dahil ang sakahang pinapasukan nito ay nasa loob ng six-kilometer radius permanent danger zone.
"Dito galing, papunta doon sa Amtic--kasi Amtic sila--nahihirapan minsan. Absent sila minsan wala kasing pamasahe. Bawal talagang umakyat doon sa six kilometers po. Bawal talaga doon kaya natigil sila sa pagtrabaho," kuwento ni Rosemarie.
Kaya naman kapag walang silang pambili ng gatas, kanina na sinabawan ng kape ang pinapakain niya sa two-year-old niyang anak.
"Binibigyan ko lang siya minsan ng kape pero hindi naman talaga pait pait. Konti lang para matigil lang sa pag-iyak," lahad ni Rosemarie.
Sa ikalawang bugso ng Operation Bayanihan, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng hygiene kits at diapers para sa mahigit 1,800 residenteng apektado ng Bulkang Mayon sa Ligao at Sto. Domingo, Albay.
"Malaki nang tulong 'yun sa amin kasi hindi na namin bibilhin. Malaki ang pasalamat namin sa inyo sa GMA Kapuso Foundation at nakarating din kayo sa amin," pasasalamat ni Elisa.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang DSWD Albay, MDRRMO Albay, at PNP sa Sto. Domingo, Albay.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus