GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 3,000 residente sa Guinobatan, Albay | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 3,000 residente sa Guinobatan, Albay na apektado ng Bulkang Mayon.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 3,000 residente sa Guinobatan, Albay

By MARAH RUIZ

Maraming kabuhayan ang natigil dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Dahil dito, tinitipid ng ilan ang mga ayudang natatatanggap para pagkasyahin at patagalin pa ang mga ito.

Isa na riyan si Jocelyn Otilla at kanyang pamilya na isang buwan nang naninirahan sa evacuation center sa Guinobatan Community College.

Kahit mapanganib, hindi niya maiwasan na bumalik sa kanyang bahay sa Brgy. Maninila na nasa loob ng 7-kilometer radius extended permanent danger zone.

Inaani kasi niya ang tanim na gulay para hindi ito masayang. Pinagsasaluhan nila ito ng kanyang mga anak.

Natigil siya sa pagtitinda ng merienda kaya umaasa sa PhP500 na kinikita ng asawa sa pagko-kopra.

Bukod sa pagkain, kailangan din ng mga evacuees ng mga panlinis ng katawan.

"Tipid na tipid po ang gamit, kagaya po ng shampoo. Tatluhan, madami 'yun. Ang ginagawa ko, 'yung isahan ginagawa kong pangdalawahan. Ang ginagamit kong shampooo ay 'yung detergent na lang po kasi tipid na tipid na nga po," kuwento ni Jocelyn.

Kabilang ni Jocelyn sa 3,000 residente a Guinobatan, Albay na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng hygiene kits, hand sanitizer, at diapers sa ikawalang bugso ng Operation Bayanihan.

Bukod dito, nagbigay rin ng alcohol at vitamins sa ang GMA Kapuso Foundation sa Guinobatan Rural Health Unit.

 

 

"Maganda 'yung mga alcohol kung wala masyadong supply ng water. Of course, mas pinaka effective pa rin ang handwashing. Sa GMA Kapuso Foundation, thank you sa tulong ninyo," pahayag ni Dr. Tirzo delos Reyes Jr., rural health physician sa Rural Health Unit sa Guinobatan, Albay.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang DSWD Guinobatan.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.