GMA Kapuso Foundation, bumalik sa Albay para sa ikalawang bugso ng Operation Bayanihan
July 11 2023
By MARAH RUIZ
Matapos manganak ni Maricon Mantes noong June 16, hindi siya sa bahay umuwi kundi sa evacuation center sa Daraga, Albay.
Patuloy pa rin kasi ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
"First time po na nagka-nerbiyos ako. Dito lang pang-apat [kong anak], nagka-nerbiyos ako kasi nataranta ako. Buti na lang nakaraos ako doon, pero grabe 'yung hirap noon," kuwento ni Maricon.
Pansamantalang nananatili sa modular tents sa Anislag Elementary School ang pamilya naman ni Dirgie Asila.
Ilang araw nang masakit ang tiyan ng kanyang anak at binubuhat pa nila ito tuwing madaling araw para makagamit ng banyo.
Idinulog ng GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ng bata sa Rural Health Unit sa Daraga para mabigyan siya ng gamot.
"Most sa [diseases na tumatama sa] evacuees are 'yung very common--ubo, sipon. Mayroon din mangilan ngilan na [may] LBM (loose bowel movement). Kailangan laging malinis ang kamay," paliwanag ni Dr. Caesar Luna Mata Jr., rural health physician sa Daraga.
Para matulungan ang mga evacuees sa Daraga, Albay, bumalik dito ang GMA Kapuso Foundation para sa ikalawang bugso ng Operation Bayanihan kung saan naghatid ito ng hygiene kits, alcohol, diapers at vitamins.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang DSWD Daraga at Sogo Cares by Hotel Sogo.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Pwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus