GMA Kapuso Foundation, tinugunan ang hiling ng isang ama na makabalik ng probinsya | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tinugunan ng GMA Kapuso Foundation ang hiling ng isang ama na makabalik sa probinsya para makapagsimula muli.

GMA Kapuso Foundation, tinugunan ang hiling ng isang ama na makabalik ng probinsya

By MARAH RUIZ

Aksidenteng napadpad sa opisina ng GMA Kapuso Foundation si Benjie Abanceña noong nakaraang buwan kasama ang dalawang anak na may edad na three at seven years old.

Emosyonal si Benjie at tila pagod na pagod dahil hinahanap niya ang kinakasama na umabandona sa kanila.

"Pagdating ko mula sa trabaho, wala naman dito. Nadatnan ko lang, mga bata nag-iiyakan," paggunita ni Benjie.

Tubong Samar si Benjie pero lumuwas ng Maynila para magtrabaho. Namasukan siya bilang helper sa isang talyer sa Bulacan.

"Araw araw naman po may pasok. Kahit Linggo, pumapasok ako. Kahit nga may lagnat ako pumapasok pa rin ako sa trabaho," kuwento niya.

Tila malabo nang magkabalikan pa si Benjie at ang kanyang kinakasama.

"Ang importante, may makausap sila kasi ito 'yung tinatawag nating pamamaraan para magkaroon tayo ng support group to acknowledge and validate kung ano man 'yung nararamdaman," paliwanag ng psychologist na si Camille Garcia.

Hiling ni Benjie na makauwi sa Samar para makapagsimula muli. Tinugunan naman ito ng GMA Kapuso Foundation at Philippine Army 8th Infantry Divison.

Isinakay ang mag-anak sa bus papuntang Samar at paglapag sa Calbayog, sinalubong at kinupkop sila pansamantala sa transient facility ng Army.

"Dito, tutulungan din natin siya para maiayos 'yung buhay niya. Mayroon kaming medical at dental para 'yung mga bata niyang maliliit, ipa-check up natin 'yan," lahad ni MGen. Camilo Z. Ligayo, commander ng 8th Infantry Division ng Philippine Army.

Ipinasuri rin dito ang kalusugan ng mag-aama.

 

 

GMA Kapuso Foundation

 

 

 

"Mababa 'yung kanilang mga timbang, at the same time mayroon talaga silang mga skin infections," paliwanag ni Maj. Robert Ed B. Somera, medical officer.

Sumailalim din sa psychological at counseling sessions si Benjie at kanyang mga anak.

"Case management for the family kasi hindi puwede na ano lang 'yung serbisyo na ibibigay sa kanya saka iiwanan na namin, hindi," pangako naman ni Alma Austero, provincial social welfare and development officer.

Nananawagan din si Benjie ng karagdagang tulong para makapagsimula sa bago niyang hanapbuhay sa Samar.

"Pang-hanapbuhay po, parang habal habal lang po. May motor ako noon kaso ngayon sira na kasi," aniya.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng Philippine Army 8th Infantry Division, Camille Garcia (psychologist), Capt. Alyssa Ursal (dentist), Dr. Robert Ed B. Somera (medical officer), Camp Vicente Lukban Station Hospital sa Catbalogan, Samar, at DSWD Province of Samar.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Benjie sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.