GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng serbisyong medikal at mga regalo sa mga tatay sa Taytay, Rizal | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng serbisyong medikal at mga regalo para sa mga tatay na magkakangkong at mangingisda sa Taytay, Rizal.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng serbisyong medikal at mga regalo sa mga tatay sa Taytay, Rizal

By MARAH RUIZ

Tatlong dekada nang kabuhayan ni Danila Gatdula ang pagtatanim ng kangkong sa Taytay, Rizal.

Naibebenta niya ang mga pananim ng P35 kada tali.

Dahil sa mga pananim na ito, napagtapos niya ang panganay na anak sa kolehiyo.

Dito rin niya kinukuha ang pantustos sa dalawa pang anak na nag-aaral sa ibang probinsiya.

Kaya naman pagsubok kay Danilo ang panahon ng tag-ulan.

"Pagka may bagyo, aagos ang tubig, mawa-wash out po [ang mga tanim]. Nakakapanghinayang kasi nga po 'yun lang po ang aming trabaho, pinagkakakitaan," lahad ni Danilo.

Lubos ang pasasalamat ng kanyang mga anak sa patuloy niyang pagkayod para sa kanila.

"Thank you sa mga sakripisyo na ibinigay mo sa aming tatlo. Kahit anong hirap 'yung pinagdaanan ay naitaguyod pa rin kaming tatlo pag-aralin," mensahe ng anak niyang si Daniela Gatdula.

Bilang pakikiisa sa Prostate Cancer Awareness Month, handog ng GMA Kapuso Foundation ang prostate specific antigen test, at urinalysis para sa 70 na magkakakangkong at mangingisda sa Taytay, Rizal, kabilang si Danilo.

"Napaka importante po ng prostate specific antigen test or ng PSA natin dahil po 'yung prostate cancer, hindi po kasi siya karaniwan na nararamdaman na sintomas na maaga. 'Pag mas maaga po tayo nagpa-detect, nagpa-screen, mas male-lessen po natin 'yung mga kumplikasyon," paliwanag ni Dr. Marysia Urgel.

 

 

Bukod sa libreng serbisyong medikal, nakatanggap din ang mga masisipag na tatay na ito ng grocery packs, hygiene kits, damit, pantalon, sumbrero at arm sleeves bilang regalo.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Singapore Diagnostics, Philippine Red Cross-QC Chapter, Municipality of Taytay, at Kalos PH Sportswear.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maarai ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.