June 29 2023
Kasama ang mga vendors sa pinadapa ng bagyong Betty sa Baguio City.
Isa na riyan ang 76 taong gulang na si Emiliana Calderon, isang egg vendor.
Sa isang linggo, nagbebenta siya ng 24 trays ng itlog at kumikita ng PhP1,000.
Kulang ito sa pangangailangan ng kanilang pamilya dahil dalawa sa kanyang anak ang na-stroke. Ang bunsong anak naman niyang 32 years old, may cerebral palsy.
Dahil dito, patuloy na nagtratrabaho si Emiliana sa kabila ng edad at sakit na hypertension.
"Kung hindi ko na kayang magtrabaho, paano ang mga iyon? 'Yun kaya ang tumatakbo sa isipan ko. Iniisip ko ang buhay namin talaga. Mahirap pa kami sa daga," lahad ni Emiliana.
Hindi siya nakapag hanapbuhay dahil sa masamang panahong dala ng bagyong Betty. Hirap din siya dahil butas butas ang bubong ng kanyang bahay.
Kabilang si Emiliana sa halos 3,000 residente sa Baguio City na hinatiran ng food packs ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Operation Bayanihan.
Bukod dito, nagbigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng gamot sa hypertension, vitamins, at hygiene kits sa Baguio General Hospital and Medical Center at La Trinidad Health Office.
"Napakalaking tulong nito at saka very timely kasi itong mga gamot at vitamins, both for the employees saka mga pasyente natin," pahayag ni Jing Datud, chief nurse sa Baguio General Hospital and Medical Center.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang 5th CMO Battalion, 503rd Brigade, CDRRMO-Baguio City, Municipal Police Station-La Trinidad, Benguet, Philippine Military Academy, Nature C Berries Extract, at Sogo Cares by Hotel Sogo.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus