GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga magsasakang apektado ng bayong Betty
June 27 2023
By MARAH RUIZ
Aanihin na sana ng 61-year old vegetable farmer na si Catrien Carpio ang kanyang mga pananim pero nasira ang mga ito dahil sa pag-ulan na dala ng bagyong Betty.
"Nababagsakan ng ulan 'yung mga halaman kaya nadudurog. 'Yung mga farmer talaga, 'pag nadurog na, nasira na 'yung gulay, pati ulam nila wala rin," lahad ni Catrien.
Apektado rin ng malakas na ulan ang mga alaga niyang bubuyog na pinagkakakitaan.
"Umuulan, wala silang ma-forage. Talagang mamamatay sila, mag-i-starve sila. 'Pag mahaba 'yung pag-ulan, mahaba rin 'yung pagpapakain namin ng sugar syrup," paliwanag ni Catrien.
Umabot sa halagang PhP 30,000 ang nalugi sa beekeeping at nasirang mga gulay nina Catrien at sa kanyang asawa dahil sa pag-ulan.
Dahil dito, naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 1,200 vegetable farmers sa La Trinidad, Benguet na naapektuhan ng bagyong Betty.
"Ang affected diyan, 'yung mga communities na nasa paligid ng pinangyarihan ng landslide. May mga traders kasi tayo na nagpapadala ng gulay sa Manila na hindi naman sila makalusot. Naapektuhan talaga 'yung kanilang ability to earn," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang CDRRMO-Baguio City. Municipal Police Station-La Trinidad, Benguet, 5th CMO Battalion, 503rd Brigade, Philippine Military Academy, at Sogo Cares by Hotel Sogo.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus