GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pangunahing pangangailangan sa Sto. Domingo, Albay | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga lumikas dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon sa Sto. Domingo, Albay.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pangunahing pangangailangan sa Sto. Domingo, Albay

By MARAH RUIZ

Itinalaga ang Sitio Bical, Brgy. Salvacion, sa Sto. Domingo, Albay bilang pansamantalang relokasyon para sa mga residenteng lumikas dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

"Ang ni-relocate dito 'yung sana priority, Purok 1, 3 and 5 ng Brgy. Lidong," paliwanag ni Justino Balimbing, camp head ng Sitio Bical.

"Nagpalagay po ang LGU ng mga linya ng tubig. 'Yung kuryente, solar lang po siguro ang ilalagay nila," dagdag niya.

 

 

 

 

Kaya naman ang isa sa mga lumikas, ang 58 taong gulang na si Arly Rodriguez, abala sa pagtatayo ng kubo na magiging pansamantalang tirahan ng kanyang pamilya.

"Sanay na kaming [tumantiya] ng Mayon. Kung malakas, aalis kami. Saka 'yung mga anak [namin], wala na doon sa bahay, nandito na," kuwento ni Arly.

Ang asawa niyang si Evelyn, dapat mag-aani ng gulay na babaunin sana sa evacuation center noong unang araw na nag-alboroto ang bulkan. Pero dahil sa pagmamadali, nadulas siya at nabalian sa kaliwang braso.

"Nagsabi 'yung munisipyo na force evacution daw 'yung Purok 5. Sa kamamadali ko, nadulas ako sa bato," paggunita niya.

Samantala, na-ospital naman ang dalawang apo niya nang lagnatin at ubuhin habang nasa evacuation center.

Kabilang sila sa 500 indibidwal mga hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng tulong sa Sitio Bical, Brgy. Salvacion, sa Sto Domingo, Albay sa ilalim ng Operation Bayanihan.

Dinalhan sila ng GMA Kapuso Foundation ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng food packs, hygiene kits at KN95 masks.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command, Philippine Army 9th Infantry Division, Philippine National Police, at Sogo Cares by Hotel Sogo.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.