GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga mag-aasin sa Pangasinan
June 20 2023
Isa sa pinakamalaking paggawaan ng asin sa bansa ang Dasol, Pangasinan.
Mano-mano pa kung gumawa ng asin dito. Binibilad ng pitong araw ang tubig alat at papadaluyin ito sa mga banigan or asinan.
"Ang asin dito sa Dasol, karaniwan nakakaabot pa ng mula sa Ilocos papunta sa Cagayan," pahayag ni Edwin Tolete, presidente ng Dasol Salt Makers Association.
Pero nahihirapan ang ilang mag-aasin dahil sa pagbago-bagong klima. Tuwing tag-ulan kasi, tumitigil ang kanilang kabuhayan.
"Doon na po kami nahihirapang makapag-harvest. Katulad nito, magiging fish pond po siya," paliwanag ng mag-aasin na si Glomie Baldonado.
Tuwing humihinto ang paggawa nila ng asin, dimudiskarte si Glomie sa pagre-repair ng sirang appliances at pagbabakal-bote para may pangtustos sa pamilya.
Bilang pagpupugay sa mga masisipag na padre de pamilya at pakikiisa na rin sa Prostate Cancer Awareness Month, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng prostate specific antigen test at urinalysis para sa 70 amang mag-aasin sa Dasol, Pangasinan.
"Usually there is a frequency of urination. Medyo nahihirapan silang umihi. Ang feeling nila full pa rin 'yung urinary bladder [kahit] katatapos lang nilang umihi. 'Yung PSA (prostate specific antigen test), 'yung kahalagahan noon [made-detect], kung malaki na talaga 'yung kanilang prostate," bahagi ni Dr. Genaro Meriño, municipal health officer sa Dasol, Pangasinan.
Bukod sa libreng serbiysong medikal, may handog din ang GMA Kapuso Foundation na regalong grocery packs, hygiene kits, damit at pantalon para sa mga ama.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Singapore Diagnostics, Partners Medical, Municipality of Dasol, Dasol Rural Health Unit, Dasol Salt Farmers Association, Bossing's Cafeteria, at Libratee Sports Apparel.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus