GMA Kapuso Foundation, may Father's Day treat para sa amang hirap maglakad | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ng Father's Day treat ang GMA Kapuso Foundation para sa isang amang hirap maglakad dahil sa polio.

GMA Kapuso Foundation, may Father's Day treat para sa amang hirap maglakad

By MARAH RUIZ

Patuloy na itinataguyod ng 45-year old na si Ruel Bautista o Macky mula sa Obando, Bulacan ang kanyang pamilya sa kabila ng hirap niya sa paglalakad.

Hindi niya mailakad ang kanyang mga binti dahil lubos na naapaketuhan ang mga ito matapos siyang tamaan ng polio noong siya nag dalawang taong gulang pa lamang.

"Kuwento ng nanay ko na nagkumbulsiyon [ako] tapos nilagnat ng mataas daw," paggunita ni Macky.

Ipinaliwanag naman ng isang espesyalista sa orthopaedics at sports surgery kung ano ang sakit na polio.

"Ito ang isang viral disease caused by polio virus. Prone 'yan makuha kapag 'yung pagkain nalagyan ng dumi ng isang infected individual. Wala siyang lunas once infected ka ng polio virus. To prevent or maiwasan itong polio virus is by means of vaccination," paliwanag ni Dr. Wesson Pious A. Espiritu, MD, FPOA.

Pagugupit ng buhok ang kabuhayan ni Macky at ang mga kamay ding ito ang ginagamit niya para makalakad.

Nagho-home service si Macky sa halagang P50 hanggang P70. Pero nababawasan pa ang kanyang kita dahil kailangan niyang sumakay sa tricycle para makarating sa bawat bahay.

"'Pag 'yun nilakad ko, pagod sa aking katawan kasi kamay ko nga 'yung gumagana. Naglalakad ako paupo kasi kailangan kong maghanap-buhay," lahad ni Macky.

"Talagang pinararamdam niya sakin 'yung pagmamahal pati sa mga anak niya," papuri ng asawa ni Macky na si Jennalyn Saliwan.

Bilang Father's Day treat, pinag-day off muna siya ng GMA Kapuso Foundation.

"Dahil sa katangian na 'yan, mayroon po tayong konting treat para kay Kuya Macky at sa kanyang pamilya," sambit ni Barangay LS 97.1 DJ Papa Dudut.

Hinandugan din ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs si Macky at pinag-training pa para sa iba pang hair services na maaari niyang gawin.

Bukod dito, hinandugan din siya ng GMA Kapuso Foundation ng e-bike para hindi na siya mahirapan at gumastos sa pagbiyahe.

 

 

 

 

"Salamat kasi ni sa panaginip hindi mangyayari [ito]. Thank you po sa GMA Kapuso Foundation," mensahe ni Macky.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa nina Dr. Wesson Pious A. Espiritu, Papa Dudut and The Brewed Buddies-SM Antipolo, J25 Salon, at Sogo Cares by Hotel Sogo.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.